RAMPAHAN ng mga munting paslit na nakasuot ng napakatataas na platform shoes at may makeup na pandalaga na, kumekendeng na tila isa nang ganap na dilag, minsan kumikindat pa sa mga manonood, ang sumalubong sa mga nagtipon sa SMX Convention Center sa Pasay City noong Dis. 20 para sa grand launch ng JAMSAP Entertainment Corp.
Umusbong ang bagong lunsad na media production company mula sa JAMS Artist Production (JAMSAP), na nagsasagawa ng mga modeling competition sa iba’t ibang panig ng bansa, at nagtatanghal sa national-level na JAMS Top Model contest taon-taon.
Lohikal na hakbang ang pagtatatag ng isang media production company para sa lumalagong talent and modeling agency, sinabi ni JAMSAP Entertainment Corp. Head Jojo Flores sa isang maikling media conference bago ang launch event.
Sinabi niyang ngayong marami nang mga nangangarap maging modelo, artista, mananayaw, at entertainer mula sa JAMSAP, malawak ang pagkukuhanan ng talent ng bagong korporasyon para sa anumang entertainment content na maiisipan nila. Para sa unang pag-alagwa ng JAMSAP Entertainment Corp., lumagda ito ng kasunduan sa Philippine Movie Press Club (PMPC) para sa susunod na pagtatanghal ng PMPC Star Awards for Television.
Itatanghal ang made-for-TV special, ang ika-37 edisyon ng taunang produksyon, sa Winford Manila Hotel and Casino sa Maynila sa Enero 28. Sinabi ni JAMSAP Head Maricar Molina na maaaring makapagtanghal doon ang ilan sa mga alaga niya.
Sinabi ni Flores na mayroon nang 60 contract artists and bagong korporasyon, mula bata hanggang mga binata at dalaga na. Pormal silang ipinakilala sa grand launch, kung saan sila nagtanghal gamit ang mga natutunan nila sa modeling, acting, at dance workshops ng JAMSAP.
Sa isang pagtitipong maaari sanang naging isang trade show para sa mga posibleng kumuha sa kanila para sa mga proyekto sa industriya ng entertainment at advertising, kung saan naanyayahan sana ang mga mahahalagang tauhan tulad ng casters at agents, nagtanghal ang JAMS contract artists sa harap ng mga mahal nila sa buhay at ilang kawani ng midya.
Solo, pares, o grupo, nagtanghal ang JAMS contract artists sa tila isang talent recital, tumanggap ng palakpak at hiyawan mula sa kani-kanilang mga hakot na kinabibilangan ng mga kamag-anak at ibang mga taga-suporta. May hawak pang mga malalaking larawan ng contract artists at mga karatula ng kanilang mga pangalan ang mga nanood.
Nagtapos ang gabi sa tila walang-katapusang pagrampa ng mga kalahok sa JAMS Top Model na nakasuot ng Filipiniana na iba-iba ang estilo. Marami ang nagsuot ng magagarbong gayak na nagpahirap sa paglalakad ng mga modelo, ang iba pa nga nadapa at natapilok dahil sa palda o napakataas na sapatos, habang ang ilan tila off-the-rack o pang-araw-araw na kasuotan ang ipinarada.
Sinabi ni Flores na maglalabas ang JAMSAP Entertainment Corp. ng mga palabas sa TV at isang pelikula sa 2023. Papasukin na rin nila ang professional sports, sa pagsasagawa ng mga basketball clinic sa iba’t ibang panig ng bansa kung saan sila umaasang makatutuklas ng susunod na basketball superstars.