Walang sisingiling registration fee sa bagong pageant para sa mga ‘Mrs.’

 

Mrs. Philippines organizers (mula kaliwa) Elite Mrs. Universe (Official) Ellen Poyaoan-Santos, Ms. Universe (Official) Global Christine Escalante, at Ovette Ricalde ng Megastar Productions

Mrs. Philippines organizers (mula kaliwa) Elite Mrs. Universe (Official) Ellen Poyaoan-Santos, Ms. Universe (Official) Global Christine Escalante, at Ovette Ricalde ng Megastar Productions/ARMIN P. ADINA

ISA pang national pageant para sa mga ginang at dalagang-ina ang dadagdag sa yumayabong na industriya sa susunod na taon, at nangako ang mga organizer na hindi sila maniningil ng registration fee mula sa mga aplikante, at hindi rin nila pagbebentahin ng tiket ang mga magiging opisyal na kandidata. Ito na kasi ang nakasanayan sa ibang mga naunang patimpalak para sa mga “Mrs.”

Tatawaging “Mrs. Philippines” ang bagong pageant, pahayag ng pageant organizer at international franchise holder ng iba’t ibang patimpalak na si Ovette Ricalde sa isang maikling media event na nangyari sa pagitan ng mga victory press conference nina Elite Mrs. Universe (Official) Ellen Poyaoan-Santos at Ms. Universe (Official) Global Christine Escalante sa City State Tower Hotel sa Maynila nitong Dis. 23.

Sinabi pa ni Ricalde na magiging mahalaga ang papel ng dalawang reyna, na nasungkit ang kani-kanilang mga titulo sa 2022 Mrs. Universe (Official) pageant sa Australia noong Dis. 4.

Ibinahagi niyang makikipag-ugnayan ang dalawang reyna sa iba’t ibang local government units upang maging katuwang ng patimpalak, at upang mapalawig ang paghahanap sa mga aplikante. “The pageant will be open to women from 21 years old until they can still walk on their own,” dinagdag niya.

Sinabi ni Ricalde na pipiliin sa bagong national pageant ang mga magiging kinatawan ng bansa sa iba’t ibang pandaigdigang patimpalak, at ang magiging pinakamataas na titulo ay “Mrs. Philippines Universe (Official).” Igagawad din ang mga korona bilang Mrs. Philippines Tourism, Mrs. Philippines Asia International, Mrs. Philippines Tourism Queen International, Mrs. Philippines Grand Universe, at Noble Queen of the Universe Philippines.

“There will be no swimsuit competition. The focus will be on the advocacy,” sinabi ni Ricalde patungkol sa bagong national pageant. “It’s not too late to become a queen,” pagpapatuloy niya.

Itatanghal ang 2023 Mrs. Philippines pageant sa Mother’s Day, Mayo 14, ng susunod na taon.

Read more...