Netizen nahiyang magbigay ng 5 piso sa mga nangaroling: ‘Pang-grand finals ng Got Talent!
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Ang grupong pangbardagulan ang pangangaroling
PINUSUAN at umani ng sandamakmak na likes at comments ang isang grupo ng mga kabataan na nangaroling sa isang bahay bago sumapit ang Pasko.
Isang netizen na nagngangalang Michael Soria ang nagbahagi ng kanyang video kung saan mapapanood nga ang nakakalokang performance ng mga nangaroling sa tapat ng kanilang bahay kamakailan.
Ayon sa uploader ng video, talaga namang bigay-todo ang pagkanta ng vocalist ng grupo na nakilalang si Eric Mateo Santelices na pangbardalulan ang boses.
Sabi nga ni Michael, tipong pang- grand finals na raw sa mga singing contest sa telebisyon ang pagbirit ni Eric sa kantang “Pasko Na Sinta Ko.”
Sey ni Michael sa kanyang Facebook post, nahihiya raw siyang bigyan ng 5 piso ang nasabing grupo dahil sa galing ng kanilang bokalista na mala-Regine Velasquez at Gary Valenciano ang timbre ng boses.
“Pahirap nang pahirap ang pangangaroling sa Pinas… pati carolling nagiging grand finals ng Got Talent. Nakakahiya magbigay 5 pesos dito. Galing mo talaga, @eric mateo santelices,” ang hugot ni Michael.
Narito ang ilan sa mga nabasa naming reaksyon mula sa mga netizens na nakapanood na ng video.
“Deserve niya ng golden buzzer hindi bente pesos.”
“Pwedeng pwede siyang sumali sa The Clash o Tawag ng Tanghalan. Malaki ang chance nyang mag win.”
“Hahahahaha… imbes na pambili mo ng ulam kinabukasan i-abot mo na lang pag ganito mangangaroling sa inyo.”
“Pag ganyan ang mangangaroling mamimili kayo ng bahay na tatapatan ah. At nakakahiya iyan bigyan ng bente.. hindi lahat ng bahay makakaagad ka ng 50 pesos pag hirap aguyyy hehe.”
“Anong ganap nung 3 sa gilid? Di puwedeng tatayo lang dapat may talent din ahahaha.”
Samantala, super pasalamat naman si Eric sa magagandang comments ng netizens at sa lahat ng pumuri sa kanyang malakasang performance.
May mga nag-request naman na sana raw next time ay mga masasaya o upbeat Christmas songs naman ang kantahin niya tulad ng classic na “All I Want For Christmas” ni Mariah Carey.