TIYAK na matutuwa si Gretchen Barretto kapag nabasa niya ang mga pinagsasabi ni Coco Martin tungkol sa kanya. Nakasama kasi ng premyadong aktor si Greta bilang isa sa mga special guests sa number one Primetime Bida series ng ABS-CBN na Juan dela Cruz.
Tatlong linggo na lang sa ere ang Juan dela Cruz kaya nagbigay ng thanksgiving presscon ang Dreamscape kasama si Coco. In fairness, isa na ito sa pinakamatagal na primetime series ng Dos ngayong taon, mahigit siyam na buwan itong namayagpag sa ratings.
Napakaraming malalaking Kapamilya stars ang nag-guest sa serye tulad nina Vice Ganda, Zaijian Jaranilla, Xyriel Manabat, Jhong Hilario, Bugoy Cariño, Jason Abalos at ito ngang si Gretchen.
Nang tanungin si Coco kung ano’ng hinding-hindi niya malilimutan sa guesting ni Gretchen sa Juan dela Cruz, biglang kinilig ang aktor, “Si Ms. Gretchen. Sabi ko nga, e, para akong na-in love yata! Ha-hahaha!”
Hirit ng aktor, “Kasi napakaganda at napakabait niya. Noong makatrabaho ko siya, nu’ng last day na, parang ayaw ko pang matapos, deep inside. Siyempre, lalaki ka, humahanga ka, di ba?
“Pero bukod po du’n, na-surprise ako kasi hindi ko akalaing ganu’n siya kabait. Sa lahat ng staff and crew, napakabait niya,” kuwento ni Coco.
Inamin naman ni Coco na ngayon pa lang ay nalulungkot na siya sa nalalapit na pagtatapos ng kanilang fantasy-adventure-drama series, aniya, marami siyang mami-miss kapag wala na ang kanilang programa.
“Oo, nakakalungkot dahil mami-miss ko nga yung bonding ng mga artista, yung mga staff, kasi nga pamilya ang naging experience ko dito. Talagang happy set siya.
“Pero sa kabila nga nito ay sobrang napagod kami dahil almost every day ay for airing kami. Marami na rin ang nagkakasakit sa amin, pero sabi ko nga, hindi kami nagpapapigil sa trabaho dahil naging inspirasyon namin ang bawat isa.
“Hetong Juan dela Cruz, halos lahat ng soap opera ko ay pinagsama-sama siya, e. Kadalasan, kapag hindi ako nagda-drama ay gumagawa ako ng action.
Heto, parang combination ng lahat. Action, drama, minsan nagku-comedy, and meron ding love story…fantasy.
“Kumbaga, isa ito sa pinakamahirap na soap opera na nagawa ko.
Yung bonding namin ay isang matindi, na parang walang staff and crew, walang sa production, kundi bilang magkakapatid.
“Sabi ko, yun na nga lang siguro ang nagpapalakas ng loob namin na nilu-look forward ko.
Na kahit pagod ka na sa set, pero ang saya-saya,” tuluy-tuloy na chika pa ni Juan. Pagdating naman sa kanyang career, isang malaking inspirasyon daw para kay Coco ang naibibigay sa kanya ng mga beteranong artista na nakakasama niya sa kanyang mga serye.
Nagpapasalamat naman ni Coco sa lahat ng mga veteran stars na nakasama niya sa kanyang mga naging teleserye sa ABS, aniya, “Ang dami kong pinaghuhugutan ng inspirasyon.
Katulad sa Walang Hanggan, ang dami kong natutunan kay Tita Susan Roces, kay Tita Helen Gamboa, kay Kuya Goma (Richard Gomez) at Ms. Dawn Zulueta.
“Ngayon, dito sa Juan dela Cruz, ang dami ko ring natutunan kina Tito Eddie Garcia at Albert Martinez. Siguro ako, ang pamamaraan ko ay lagi akong nakikipagkuwentuhan sa kanila. Nakikipagkaibigan ako.
“Ang daming bagay na natutunan ako sa kanila, e, sa pamamagitan ng kuwentuhan lang. Ang dami nilang pinagdaanan, na kahit hindi ko halimbawa maranasan, ay nararanasan ko na rin dahil sa mga kuwento nila.
“At kung sakaling makaharap ko ang mga yun, alam ko kung paano ko iiwasan o ano ang gagawin ko para hindi ako malagay sa alanganin o mapasama.
“Kumbaga, lagi ko pong sinasabi na inspirasyon ko po ang mga veteran actors na nakakasama ko sa aking soap opera o pelikulang aking ginagawa,” chika pa ni Juan dela Cruz.
Samantala, wala pa ring girlfriend si Coco hanggang ngayon, tulad ng lagi niyang sinasabi, kung sa sarili at sa pamilya nga raw niya ay kulang na ang oras niya, ang magka-lovelife pa ba ang uunahin niya? Aniya, may oras din para rito.
( Photo credit to Google )