NAIILING na natatawa si Laguna Gov. ER Ejercito nang makatsikahan namin siya sa ginanap na Unity mass sa Cultural Center ng Sta. Cruz, Laguna kasama ang maybahay na si Pagsanjan Mayor Maita Ejercito, mga konsehal, at ilang taga-media.
Kaarawan ngayon ng actor-politician at bakit ito pa raw ang regalong natanggap niya – ang paalisin sa puwesto bilang gobernador ng nasabing lalawigan.
“Nakakagulat at nakalulungkot na ako ay dini-disqualify ng Comelec, hindi ko pa po natatanggap ang nasabing desisyon ngunit kalat na kalat na sa balita at sa katunayan ay una ko pang nalaman sa media.
Aalisin daw ako sa puwesto bilang gobernador ng Laguna dahil ako ay lumabag sa batas sa salang overspending,” ani Gov. ER.
Sa nakaraang eleksyon ay nakakuha ng botong 549, 310 si ER sa Laguna, lamang siya ng 78,101 boto sa kanyang katunggali.
Hindi raw ito matanggap ng kalaban niya kaya binalikan siya ng kasong overspending. Aniya, hindi siya nabigyan ng due process.
“Hindi naman po ako mangmang sa batas, kahit paano ako po ay may sapat na edukasyon at karanasan upang malaman ang mga limitasyon ng batas,” sey ni ER.
Sa La Salle nagtapos ng elementarya at high school si ER, sa UP Diliman naman siya nagtapos ng kolehiyo at sa University of Asia and The Pacific naman niya nakuha ang masters degree.
“Hindi po ako bagito sa politika, may sapat naman akong karanasan dito, naging three term mayor ako ng Pagsanjan at bilang mayor ay nahirang ng dalawang beses ng Senado at DILG bilang isa sa Ten Outstanding Mayors of the Philippines at isa sa 15 Champion Mayors of the Philippines mula sa League of Municipalities of the Philippines.
“At ngayon ay nasa ikalawang termino na ako bilang gobernador ng Laguna kung saan nakatanggap ako sa unang termino ng Presidential Lingkod Bayan Award, ang pinakamataas na karangalang ibinibigay sa isang serbisyo publiko ng Civil Service Commision at ng Pangulo.
“Dahil sa mga ito ay alam ko po ang limitasyon ng batas sa eleksyon at hinding-hindi kailan man ako lalabag dito tulad ng sinasabi nilang overspending,” sabi pa ni ER.
Base sa kuwenta ng gobernador ng Laguna ay gumastos lamang siya ng P4,101,586.62 na hindi nahigitan ang budget na P4.5 million.
Hindi puwedeng magbigay ng detalye pa sa kaso si ER dahil pinagbawalan daw siya ng kanyang abogado dahil pending pa ang kanilang Motion for Reconsideration.
Ang kaunting paliwanag ni ER, “Ang kasong isinampa sa akin ng aking katunggali ay kaso ng election offense dahil nga sa overspending at ang kaukulang kaso ay mai-file sa tamang korte at ang tamang korte sang-ayon sa section 268 ng Omnibus Election Code ay ang Regional Trial Court.
“Ang ginawa ng abogado ng aking katunggali ay biglang binago ang kanyang cause of action, hindi lamang sa gitna kundi sa kahuli-hulihang parte ng proseso, sa Comelec at panalangin na i-disqualify ako.
At pinakinggan naman ito ng 1st division ng Comelec na hindi man lang ako binigyan ng pagkakataong sagutin ang kaso, inalisan ako ng karapatan sa due process na pino-proteksyon ng ating Constitution,” paliwanag ng aktor.
Samantala, kung may pangit na birthday gift na natanggap si ER ay may magandang kapalit naman ito dahil ang pelikula niyang “Boy Golden” na nalaglag sa 2013 Metro Manila Film Festival ngayong Disyembre ay nasa Magic 7 na dahil maraming umurong at may mga na-disqualify pa.
“Sobrang nagpapasalamat ako kasi hindi pa rin ako pinabayaan ng Diyos, kung may masamang balita, heto, maganda naman ang dating ng ‘Golden Boy’ at makakasama ko pa rito si KC Concepcion,” say ni Gov. ER.
Ibig sabihin pwede na rin nating sabihin na lucky charm na rin ni ER si KC dahil sa kabila ng kaliwa’t kanang problema, nakapasok pa rin ang entry nila.
( Phoyo credit to Google )