Tokyo Dome City Hall handa na para sa Miss International 2022

Tokyo Dome City Hall

The Miss International stage sa Tokyo Dome City Hall/ARMIN P. ADINA

TATLONG taon mula nang huling itanghal ang Miss International pageant sa Tokyo Dome City Hall sa Tokyo, Japan, handa na muli ang event hall upang tanggapin ang mga kandidata ng ika-60 edisyon ng patimpalak.

Ang nasabing event hall din ang venue ng ika-59 Miss International pageant na itinanghal noong 2019 pa. Walang nangyaring patimpalak noong 2020 at 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.

Ngunit bago pa man tumigil ang mundo dahil sa pandaigdigang krisis pangkalusugan, nagbabalak na ang Miss International organizer na International Cultural Association (ICA) na magsagawa ng bonggang 60th edition sa Yokohama, timog ng Tokyo.

Ngayong nagpasya ang ICA na manatili sa kabisera ng Japan, tinanggap muli ng Tokyo Dome City Hall ang pandaigdigang patimpalak, kasama ang lahat ng 66 kandidata na magtatagisan ngayong taon.

Inaabutan ng bulaklak ni Miss International 2005 Precious Lara Quigaman, ngayon ay Bb. Pilipinas Charities Executive Committee member, si Hannah Arnold bago tumulak pa-Tokyo./ARMIN P. ADINA

Sa wakas, makokoronahan na ni 2019 Miss International Sireethorn Leearamwat ang magiging tagapagmana niya sa patimpalak ngayong taon. Nakatala na rin siya sa kasaysayan hindi lang bilang unang reyna mula Thailand, kundi bilang pinakamatagal na ring nagreyna sa patimpalak.

Ngayong taon, ibabandera ang Pilipinas ni Binibining Pilipinas Hannah Arnold, isang 26-taong-gulang na Australian-Filipino forensic scientist at modelo mula Masbate.

Kay tagal niyang hinintay ang pagkakataong ito. Noong 2021 pa niya nasungkit ang titulong Bb. Pilipinas International.

Mula sa mga pandaigdigang patimpalak na kasalukuyang tumatakbo, sa Miss International pageant nakamit ng Pilipinas ang pinakamalaki nitong tagumpay na may anim na panalo—sina Gemma Cruz noong 1964, Aurora Pijuan noong 1970, Melanie Marquez noong 1979, Precious Lara Quigaman noong 2005, Bea Rose Santiago noong 2013, at Kylie Verzosa noong 2016.

Read more...