Beterana ibabandera ang Pilipinas sa World Top Model contest

World Top Model Philippines Cyrille Payumo

World Top Model Philippines Cyrille Payumo/MUTYA NG PILIPINAS PHOTO

 

GINULAT ng Mutya ng Pilipinas pageant ang mga tagasubaybay ng beauty contests nang magbahagi ito ng mga larawan ng opisyal na kinatawan ng Pilipinas sa World Top Model contest, nasa airport na para sa flight niya patungo sa Hungary kung saan gagawin ang patimpalak ngayong linggo ring ito.

Ang pageant veteran at international beauty titlist na si Cyrille Payumo ang kakatawan sa Pilipinas sa 2022 World Top Model competition, na itatanghal sa Magyar Nemzeti Museum sa Budapest sa Dis. 2 (Dis. 3 sa Maynila).

Sinabi ng Mutya ng Pilipinas pageant sa isang pahayag na ang patimpalak “is a prestigious competition organized by Fiore Tondi with Major Models, one of the leading modelling agencies in Europe.” Nasa 50 kalahok ang sumasali sa tuanang contest, at nire-recruit ang top finishers ng ilan sa pinakakilalang pangalan sa industriya ng fashion, pagpapatuloy pa ng national pageant organization.

Ngunit hindi ito ang unang pagkakataon na biglang pinadala ng Mutya ng Pilipinas pageant si Payumo sa isang pandaigdigang patimpalak.

Hinirang siyang first runner-up sa huling Mutya ng Pilipinas pageant, na itinanghal noong 2019. Ngunit bigla na lang siyang napaempake para sa Miss Tourism International pageant upang humalili sa orihinal na kinatawan na si Tyra Goldman na hindi tinanggap ng international organizers dahil may lahi siyang banyaga.

Sa 2019 Miss Tourism International pageant sa Malaysia, nasungkit ni Payumo ang korona, ang ikalimang Pilipinang nakagawa nito, kasunod nina Peachy Manzano noong 2000, ang yumaong si Rizzini Alexis Gomez noong 2012, Angeli Dione Gomez noong 2013, at Jannie Loudette Alipo-on noong 2017.

Ayon sa pahayag, sinabi ni Mutya ng Pilipinas President Cory Quirino na “we are confident about sending Ms. Payumo to this international event. In our organization, we act as bridges for our queens in the pursuit and fulfillment of their personal career choices.”

Ito na ang pangalawang sorpresa mula sa Mutya ng Pilipinas pageant ngayong buwang ito. Ipinadala nito ang semifinalist noong 2019 na si Maria Angelica Pantaliano sa 2022 Miss Tourism International pageant sa Malaysia. Nasungkit niya ang korona bilang Miss Tourism Metropolitan International sa patimpalak na itinanghal noong Nob. 25

Pipiliin sa 2022 Mutya ng Pilipinas pageant ang mga magiging kinatawan ng Pilipinas sa mga edisyon ng World Top Model at Miss Tourism International sa susunod na taon. Itatanghal ang coronation night sa FilOil EcoOil Center sa San Juan City sa Dis. 4.

Read more...