Kim Molina naiyak nang makita at mahalikan si Regine: Pasensya na po, hindi na naman napigilan ang ate fangirl n’yo!
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Kim Molina at Regine Velasquez
HINDI napigilan ng aktres at singer na si Kim Molina ang mapaiyak nang makita at makasama ang nag-iisang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez.
Aminado si Kim na idol na idol talaga niya ang award-winning singer-actress kaya sa tuwing makikita niya ito nang personal ay nagiging emosyonal at napapaluha.
Sa kanyang Instagram account, nagbahagi ang girlfriend ni Jerald Napoles ng isang short video kung saan makikita ang sobrang kaliagayahang naramdaman niya nang makita at mahalikan muli ang iniidolong OPM legend at gay icon.
Aniya sa caption ng kanyang IG post, “Nakita ko nanaman siya. Pasensya po di na naman napigilan ang ate fangirl niyo.”
Dagdag pa niya, “Love you sobra ate @reginevalcasid na nagtataka bat lagi raw akong naiiyak pag nakikita ko siya ano raw ba ginawa niya sa ‘kin.”
Nabanggit din ni Kim na batang-bata pa lang siya ay super idol na niya si Regine at nagsilbi rin daw itong inspirasyon sa kanya para mangarap at magtagumpay sa buhay.
“Haaay Songbird.. You and your music are the inspiration that helped mold this little dreamer since the age of 2.
“Pramis next time kakayanin ko na po. Hinga po ako ng malalim,” pahayag pa ni Kim Molina.
Unang nakilala si Kim sa hit stage musical na “Rak of Aegis” noong 2014. Pagkatapos nito nagsunud-sunod na ang proyekto niya sa telebisyon at pelikula.
Naging bahagi siya ng phenomenal Kapamilya series na “Kadenang Ginto” noong 2018 na pinagbidahan nina Dimples Romana, Beauty Gonzalez, Francine Diaz, Andrea Brillantes, Seth Fedelin at Kyle Echarri.
Bukod dito, bumida rin si Kim sa iWant Original Movie na “Momol Nights” at “#Jowable” ng Viva Films noong 2019.
Ang last na pinagbidahan ni Kim na movie sa Viva ay ang blockbuster na “Ang Babaeng Walang Pakiramdam” na ipinalabas last year. Nakasama niya rito ang kanyang boyfriend na si Jerald Napoles.
Nominado rin si Kim sa 5th EDDYS Choice ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) para sa nasabing pelikula na pinanalunan naman ni Charo Santos para sa “Kun Maupay It Panahon.”