MARAMI ring naging ‘distractions’ sa kampanya ng Barangay Ginebra San Miguel sa season-ending PBA Governors’ Cup kung kaya’t imbes na mapabuti ay napasama pa ang kanilang performance.
Sa umpisa pa lang ng paghahanda para sa Governors’ Cup ay nadiskaril na kaagad ang Gin Kings nang magkagulo sa coaching staff at umalma si head coach Alfrancis Chua sa mga pagbabagong naganap.
Kasi nga’y biglang tinanggal at inilipat sa ibang koponan at liga ang kanyang mga assistant. Pinalitan sila ng ibang assistant coaches na galing sa ibang koponan ng San Miguel Corporation.
Kahit pa sabihing maganda ang intensiyon sa pagpapalit na ito, parang nakakaasiwa na rin dahil nga sa galing naman sa Finals ang Gin Kings kung saan sumegunda sila sa Alaska Milk sa nakaraang Commissioner’s Cup.
Hindi kailangan ng malawakang balasahan, hindi ba? Kaya naman sa una’y nagbitiw si Chua bago napahinahon at nag-file na lang ng leave of absence.
Ang kanyang puwesto ay pansamantalang pinunan ni Renato Agustin.Bukod sa kaguluhan sa coaching staff ay nabawasan ng big men ang Gin Kings nang magretiro si Rudy Hatfield at magtamo ng injury si Kerby Raymundo.
Oo’t nakuha nila si Japeth Aguilar buhat sa Global Port kapalit ni Yousef Taha pero nagtamo rin ito ng injury. Kumbaga’y nagpatung-patung ang problema sa personnel.
At siyempre, idagdag pa rito na hindi naman talaga ganoon ka-impressive ang import nilang si Dior Lowhorn. Well, mabuti na lang at nakarating pa rin sila sa quarterfinals kung saan nakalaban nila ang Petron Blaze na may twice-to-beat advantage.
Ang itinatanong nga lang ng iba ay ano kaya ang nangyari sa kanilang paboritong team kung hindi Petron ang nakaharap?
Masyado kasing maganda ang ikinikilos ng Petron ngayon at mahirap talunin.
Baka raw kung ibang team ang nakatagpo ng Gin Kings sa quarterfinals ay nakalusot sila. Pero tapos na iyon. At marahil tapos na ang kaguluhan. Back to normal na ang Gin Kings sa susunod na season na magsisimula sa Nobyembre.
Tapos na ang leave of absence ni Chua. Makakabalik na sina Aguilar at Raymundo buhat sa injury. Gayundin si Mark Caguioa na hindi nakapaglaro sa laban kontra Petron noong Biyernes.
At malaki ang pag-asa ng Gin Kings na masungkit ang seven-footer na si Gregory Slaughter sa darating na Rookie Draft.
Sakaling maunahan sila ng ibang teams kay Slaughter ay nandoon pa naman sina Ian Sangalang at Raymund Almazan na puwede nilang pagpilian.
Alinman sa tatlong ito ay magiging matinding kasama sa frontline ni Aguilar sa darating na Philippine Cup. Mahihirapan ang ibang teams na tibagin ang naturang kumbinasyon.
Kung wala na ang mga ‘distractions’ na gumulo sa Barangay Ginebra, puwede na ulit silang mangarap ng isang kampeonato.