ISANG linggo pa lang ang nakalilipas mula nang simulan ng 2022 Miss Earth pageant ang sunod-sunod nitong mga event sa bansa, ngunit tila umuusbong na ang mga frontrunner na nagkamal na ng ilang mga medalya.
Muling nakasungkit ng medalya sina Sheridan Mortlock mula Australia, Andrea Aguilera mula Colombia, at Sheyla Ravelo Perez mula Cuba sa pinakahuling out-of-town trip ng patimpalak, sa “Beach Wear Competition” sa Pontefino sa Batangas City noong Nob. 19.
Nanguna si Aguilera at muling nagkamit ng gintong medalya, habang pilak ang nakuha ni Ravelo, at kay Mortlock ang tanso. Karagdagan na ito sa mga natanggap nilang medalya at parangal sa mga biyahe nila sa Romblon at Zamboanga City. Ngunit sa press presentation sa Metro Manila pa lang nagsimula nang sumungkit ng medlya ang Colombiana at Australiana.
Sa press presentation na itinanghal sa Cove Manila pool club ng Okada Manila sa Parañaque City noong Nob. 14, tumanggap ng gintong medalya bilang “Darling of the Press” mula sa rehiyon ng “Asia and Oceania” si Mortlock, habang si Aguilera naman ang nanguna mula sa “Americas.”
Nang tumulak ang lahat ng mga kandidata sa Zamboanga City para sa isang swimsuit competition, si Mortlock ang tumanggap ng pilak sa rehiyon niya. Para sa Americas, si Aguilera ang nakasungkit ng ginto, at si Ravelo naman ang nakakuha ng pilak.
Hinati ng organizer na Carousel Productions sa apat na pangkat ang mga kandidata para sa sumunod na mga biyahe, at napunta sina Mortlock, Aguilera, at Ravelo sa “Fire” group na pumasyal sa Romblon.
Hinirang si Ravelo bilang “Miss Isla de Romblon” na may premyong P50,000, at nadagdagan pa ng P30,000 ang premyo niya nang manguna sa “Talent Competition.”
Tumanggap naman si Aguilera ng P30,000 bilang “Best in Swimwear,” at P25,000 pa bilang “Most Photogenic.” Binigyan naman si Mortlock P25,000 bilang “Miss Congeniality.”
Samantala, dalawang kandidata naman ang nakakuha ng una nilang mga parangal sa Batangas noong Sabado. Hinirang na Miss Pontefino Estates si Daphne Nivelles mula Belgium, at Miss Pontefino Hotel naman si Jessica Cianchino mula Canada.
Itatanghal ang 2022 Miss Earth coronation program sa Cove Manila sa Nov. 29, kung saan isasalin ni Destiny Wagner mula Belize ang korona sa tagapagmana niya.
Apat na Pilipina na ang nakasusungkit ng korona—sina Karla Henry noong 2008, Jamie Herrell noong 2014, Angelia Ong noong 2015, at Karen Ibasco noong 2017.
Ngayong taon, ang American-Filipino psychology student na si Jenny Ramp mula Tarlac ang kinatawan ng Pilipinas sa pandaigdigang patimpalak. Kabilang siya sa “Air” group.