Quark Henares magkakaroon na nga ba ng baby, may paanyaya sa mga filmmakers

Quark Henares magkakaroon na nga ba ng baby, may paanyaya sa mga filmmakers

KASALUKUYANG nasa bansa si Direk Quark Henares na Head ng Originals, Philippines at Prime video and Amazon Studios na naka-base sa Singapore dahil dumalo siya sa nakaraang watch party ng “One Good Day” series na pinagbibidahan ni Ian Veneracion at napanood na ito nitong Nobyembre 17 directed by Lester Pimentel Ong under Studio Three Sixty.

Dating head ng Studio Business, Kroma Entertainment (formerly Globe Entertainment) at pagkalipas ng anim na taon ay lumipat na nga siya ng Prime video/Amazon studios nitong Hunyo 2022.

Sandaling naka-tsikahan namin si direk Quark sa watch party ng “One Good Day” at tinanong namin siya kung bakit siya umalis sa Globe gayung magaganda ang lahat ng naging projects niya.

Tawa nang tawa ang nasabing direktor at sabay sabing, “alam mo na ‘yun” at sabay bulong na sa tingin namin ay gusto naman niyang manirahan sa bansang tahimik daw ang paligid at masasarap ang mga pagkain.

“Bumabalik naman ako dito (Pilipinas) every two months, so, you can always see me. Masaya ro’n at masarap ang pagkain, mababait ang mga tao, very efficient,” pahayag ng direktor.

Marami raw Flipino staff sa departamento niya, “marami, sa Amazon marami siguro mga one-fourth puro Pinoy.” May mga staff siya rati rito sa bansa na isinama niya sa Singapore.

Anyway, itong “One Good Day” ang unang project niya at exclusive series ito ng Prime video, “nagawa na ito bago pa ako dumating sa Prime,” sambit ng direktor.

Ang siste ay magpi-pitch ng projects ang filmmakers kay direk Quark at kapag aprubado ay saka ito gagawin. Bibilhin ng Prime video ang project para maging content ng bagong platform.

Kaya naman inaanyayahan ni direk Quark ang filmmakers, “gawa kayo and send it over. About the quota in a year at hindi pa namin nade-decide kung ilan ang ipo-produce. Basta very dedicated kami to local content to Filipino films and series.”

Samantala, kasama ni direk Quark sa Singapore ang asawang si Bianca Yuzon at tatlong taon na silang kasal nu’ng Mayo kaya tinanong namin kung mayroon na silang planong magka-baby.

“Baka ngayong nandoon kami sa Singapore it’s a nicer place,” tumatawang sagot nito.

At hindi nalilimutang dalawin ni direk Quark ang bunsong kapatid na si Scarlet Snow Belo na anak nina Doc Vicki Belo at doc Hayden Kho dahil noong binata pa siya ay lagi niyang kasama ang bagets at sa katunayan ay siya ang nagbigay ng pangalan nito na ngayon ay 7 years na.

At habang nandito sa Pilipinas siya ay ini-screen na niya ang mga pelikulang ibinenta sa Prime video na mapapanood naman ang mga ito sa 2023.

 

 

Speaking of “One Good Day” watch party ay bitin ang mga dumalo dahil dalawang episodes lang ang ipinalabas na hitik na hitik talaga sa action scenes kaya hindi talaga ito puwedeng ipalabas sa Free TV dahil tiyak na puputulin ito ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB.

Dumalo sa nasabing event ang dating Star Cinema managing director na si Ms Malou Santos at tinapos niya ang screening na base sa nakita naming reaksyon niya ay nagustuhan niya ang bagong series ni Ian V.

Kasama rin sa OGD sina Andrea Torres, Rabiya Mateo, Aljur Abrenica, Justin Cuyugan, Nicole Cordoves, Aljur Abrenica, Joe Vargas, Robert Sena, Marco Alcaraz, Menchu Lauchengco-Yulo, Louise Abuel, Pepe Herrera at Joel Torre.”

Related Chika:
Direk Quark Henares nag-propose na sa dyowang singer: Pareho kaming weird!

Direk Quark Henares umalis ng Pinas sa araw ng inagurasyon ni PBBM: Pilipinas we love you, but you’re breaking our hearts…bye for now

Read more...