NAGLABAS si Binibining Pilipinas Hannah Arnold ng social media posts na tumalakay sa kahirapan, gutom, at magandang pangangatawan. Hindi pa siya natatapos.
Sa kabuuan, maglalabas ang Australian-Filipino forensic scientist mula Masbate ng 17 social media posts tungkol sa iba’t ibang mga paksa, katumbas ng bawat isa sa Sustainable Development Goals (SDG) na napagkasunduan ng member-states ng United Nations (UN) na dapat makamit pagsapit ng 2030.
Alinsunod din sa pagsusulong ng Miss International pageant sa SDGs ngayong taon ang mga naging hakbang ni Arnold. Tatlong adhikain na ang natatalakay niya sa ngayon—no poverty, zero hunger, at good health and well-being.
Ang ibang SDGs naman ay quality education; gender equality; clean water and sanitation; affordable and clean energy; decent work and economic growth; industry, innovation, and infrastructure; reduced inequalities; sustainable cities and communities; responsible consumption and production; climate action; life below water; life on land; peace, justice, and strong institutions; at partnerships for the goals.
“My two passions have really come together, science and pageantry,” sinabi ng applied science and forensic studies graduate ng University of Canberra sa Australia sa kaniyang send-off press conference sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City noong Nob. 15.
Sinabi ni Arnold na makatutulong ang pinag-aralan niya upang talakayin ang UN SDGs, makapag-isip ng solusyon, at makakalap ng suporta para sa mga pagkilos upang makamit ang mga adhikain. Suportado naman siya ng Department of Science and Technology (DOST) na kumuha sa kanya bilang ambassador nila.
Tutulak si Arnold sa Tokyo, Japan, para sa ika-60 edisyon ng Miss International pageant, na magtatapos sa isang coronation program na itatanghal sa Tokyo Dome City Hall sa Dis. 13.
Ito ang matagal na niyang pinakaaasam, mula nang magsanay noong 2018 pa lang, aniya. Una siyang sumabak sa 2019 Bb. PIlipinas pageant at nagtapos sa semifinals. Bumalik siya noong 2020 ngunit naunsyami ang patimpalak dahil sa COVID-19 pandemic.
Natuloy ang national pageant noong 2021 ngunit hindi pa rin siya nakalaban abroad sapagkat ipinagpaliban pa rin ang Miss International pageant noong taong iyon. Naisalin na niya ang korona niya bilang Bb. Pilipinas kay Nicole Borromeo nang hindi man lang nakatutuntong sa pandaigdigang entablado.
At sa wakas, maibabandera na ni Arnold ang Pilipinas. Tutulak siya sa Tokyo upang sungkitin ang bagong
Long Beach Pearl crown, at maging ikapitong Pilipinang hihirangin bilang Miss International.
Tulungan siyang makaungos sa patimpalak sa pamamagitan ng pagboto sa Miss International mobile app na maaaring i-download nang libre sa Play Store o sa App Store. Sa Nob. 30 na ang simula ng botohan.
Sa Miss International pageant nakahakot ng pinakamaraming korona ang Pilipinas—Gemma Cruz (1964), Aurora PIjuan (1970), Melanie Marquez (1979), Precious Lara Quigaman (2005), Bea Rose Santiago (2013), at Kylie Verzosa (2016).