interview and photo by Julie Bonifacio, Showbiz Correspondent
* * *
ISA sa mga masisikretong artista pagdating sa kanyang personal life ay ang mahusay na aktor at Box-Office King na si John Lloyd Cruz.
Bihira ang pagkakataon na magkuwento o magbukas si John Lloyd sa publiko tungkol sa mahahalagang kaganapan sa kanyang mga magulang at kapatid.Para sa aktor, isang pribadong bagay ang pag-usapan ang kanyang pamilya. But once na may bumisita ang aktor sa kanyang tahanan, agad naman na sasalubong ang parents ni John Lloyd. Gaya na lamang ng huling pagkakataon na makapanayam namin siya sa kanyang bagung-bagong bahay sa isang exclusive subdivision sa Antipolo City .
Ni-reveal ni Lloydie sa amin na nakapangalan sa kanyang mga magulang ang bagong bahay niya. Itinuturing ni Lloydie na regalo niya sa kanyang parents ang bago nilang bahay.
BANDERA: May gusto ka pa bang ibigay sa mga parents mo?
John Lloyd Cruz: E, kasi wala naman talagang stable lalo na sa trabaho namin. So, anytime pwede kang biglang bitiwan, kahit ano pwedeng mangyari sa iyo. Pwede kang maaksidente, maging incapable ka na, so, basta makapag-iwan lang ako ng negosyo or kahit anong pwedeng mag-generate ng income na they can live comfortably.
B: Ano sa tingin mo ang pwede pang i-manage na business ng Daddy at Mommy mo?
JLC: Hindi ko alam, marami kaming pwedeng pag-usapan. Tsaka as we’re speaking now, may project na kaming iniisip. So, in the works na siya. It’s safe to say na I’m in a good place now.
B: Nakikita mo ba ang iyong sarili kung ano ang magiging kapalaran mo five years to 10 years from now?
JLC: By that time, 37 na ako. I’ll be turning 27 on June 24. Daddy na kaya ako? Uhm, hindi ko alam. Malay mo mag-aasawa pa lang ako nu’n. Gusto kong ma-maximize ‘yung years ko. Pero ayoko din naman na magkaanak na sobrang liit na hindi ko na masusundan ‘yung paglaki niya.
B: So, ano ‘yung ideal age of settling down para sa iyo?
JLC: Well, ideal would be 33-34, or 35, between 33 and 35.
B: Mga eight years from now na ‘yun and by that time nakaipon ka na?
JLC: Definitely, mauuna si Piolo (Pascual) sa akin.
B: Sobrang close mo sa family mo to the point na nagiging uninspired ka raw kapag hindi mo kapiling ang kanyang mga magulang. Matitiis mo ba silang iwan once na mag-asawa ka na?
JLC: Not necessarily. Pero depende rin kasi kapag nag-asawa ka. You’re talking about two people, you’re talking about two persons that will be united, so, ‘yung decision, dapat mutual lagi. At para sa gusto kong ma-achieve yung healthy family life, I guess kailangan ninyong magsolo.
Para healthy rin sa mapapangasawa ko. Kasi we’re talking about the family. Hindi lang naman ang sarili mo e, ‘di ba? Now kung paano mo imi-maintain ‘yung life mo as being part of your own family, nasa sa ‘yo na ‘yun, ‘di ba?
B: Hindi ba mahihirapang mag-adjust ang magiging misis mo sa family ng isang John Lloyd Cruz?
JLC: Walang mahihirapang mag-adjust sa amin. Sobra kaming ano, ‘tong pamilya namin, sobrang cowboy.
B: ‘Yung mga past girlfriends mo kasundo ba lahat ng Daddy at Mommy mo?
JLC: Yeah, wala silang naging problema.
B: So, kapag nag-retire ka na sa showbusiness ngayon masasabi mo bang you can live well naman?
JLC: Depende sa konsepto mo. Ano bang sapat sa ‘yo?
B: Ano ba ang sapat para kay John Lloyd?
JLC: Depende, kasi ang pinagbabasehan mo, ang income mo, ‘di ba? Halimbawa kung magbabago income mo, magbabago lahat ng budget mo.
B: Pati lifestyle mo babaguhin mo rin ‘di ba?
JLC: Definitely, mababago rin ‘yung lifestyle mo. Basta ako I work hard, I play hard.
B: Nakita mo na ba ang babaeng pakakasalan mo eight years from now?
JLC: Hindi pa. That makes it exciting. Kasi parang ang ikli naman kung, alam mo na.
B: Pero saan mo hahanapin ang girl na ito?
JLC: Hindi ko naman siya hinahanap.
B: Pero preferably ba nasa showbiz ‘yung girl?
JLC: Alam mo, you can set all the qualities that you want in a girl or a woman pero once makilala mo ‘yung the right one for you, lahat ‘yan mababali lahat. Mabubura kasi hindi mo talaga alam kung sino.
B: Kung may mabuntis kaya siya ngayon, papakasalan ba niya agad or teka muna?
JLC: Depende, kasi hindi naman ako ang magde-decide d’yan eh. Dalawa kayo diyan.
B: Nagkausap ba kayo ni Sarah Geronimo bago siya umalis patungong Amerika?
JLC: Nagkausap na kami ulit, recently lang. Nagkausap kami sa isa sa mga shoot ko recently sa Greenwich commercial. ‘Yun lang, nire-reestablish ko lang ang aking…para bang my being here as a friend. Sabi ko sa kanya, actually sa kanya nanggaling eh, sabi ko sa kanya, ‘Oh ano, Ms. Controversial?’ Hehehe.
Sabi niya, ‘Oo nga nasa akin ang spotlight ngayon.’ Eh sabi ko okey lang ‘yan, basta kung ano man ang pinagdadaanan mo, gusto ko lang sabihin sa iyo na you have a friend in me. Pwede mo akong tawagan anytime, text mo lang ako tatawagan kita. So, sabi niya, binibiro pa ako, sabi niya ‘Hmm, sigurado ka?’
Ganu’n lang din talaga si Sarah maraming mga binibitiwang mga biro. E, ‘yun nilinaw ko lang sa kanya na hanggang ngayon kahit na hindi man tayo nagkikita madalas or nagkakausap nandito ako. Kasi ‘yun ‘yung worry ko sa kanya, baka wala siyang mapagsabihan, o kaya, hindi naman tayo nagmamarunong pero siguro naman ‘yung mga experiences natin sa buhay meron namang maitutulong tayo, kung hindi man maitulong, maisi-share.
B: Naniniwala ba siyang capable ang daddy ni Sarah na duru-duruin si Rayver Cruz?
JLC: Kahit naman sinong tatay, kumbaga it’s hard to question his intentions pagkasinabi niyang pinoprotektahan niya ang kanyang anak. So, kumbaga mahirap mag-comment sa ganyan. Kung ano man ang nangyari sa kanila I’m sure pare-pareho silang may rason, may pinanggagalingan, kung ano ‘yung eksaktong nangyari hindi ko alam.
B: Base sa mga isyu, naka-experience ka rin daw ng pa”harassment” mula sa magulang ni Sarah. Totoo ba ito?
JLC: Oo naman, kasi dalawang pelikula rin ‘yung pinagsamahan namin. Nakita mo rin kung gaano…I think ‘yung pinanggagalingan lang nila is gusto lang nilang alagaan at protektahan ang anak nila and you can’t blame them for that. ‘Pag sinasabi nilang may malasakit lang kami sa anak namin, tapos ang usapan.
B: Any message for his fans na walang sawang sumusuporta sa kanya?
JLC: Well, it’s been what, 1997? Ano na ba ngayon? Thirteen years na ako sa trabaho na ito. So, hanggang ngayon andito pa rin tayo. Kinukuha pa rin tayo, pinagkakatiwalaan. Masaya na nandito pa rin ako.
Bandera, Philippine Entertainment news, 060810