Bandera Editorial: Sex education ni Padre Damaso

Bandera Editorial

IMPOSIBLENG magkaroon ng sex education sa panahon ni Padre Damaso. Sino ang may kakayahang magturo ng sex education, kahit sa Ateneo, Letran at UST? Imposibleng ituro ang sex education dahil hindi papayag ang Espana at tututulan ito hanggang sa magunaw ang mundo (pero napakataas ng kamulatan sa sex education sa Spain ngayon; hayagan at di pinipigilan ang pagsasama ng kapwa babae at kapwa lalaki).
Walang sex education sa panahon ng Kastila. Ang sex education ay para lang sa mga Kastila’t pari. Kung anakan man nila ang mga Pinay noon ay wala silang mortal na kasalanan. Kung ang Pinay ay maanakan ng kapwa niya Indio, ang tawag sa kanya ay malandi at disgrasyada (ngayon, ang tawag ay single parent).
Kung babalikan ang Noli Me Tangere ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, parausan lang tayo ng mga nangangaral na masama ang sex, demonyo ang sex. Kapag anak ng pari ay pangangalanan lamang itong De los Santos o De la Cruz.
Ngayo’y namulat na ang maraming opisyal ng pamahalaan, na nananawagan na magkaroon ng sex education para mamulat ang murang isipan sa maling pakikipagtalik, ang walang kalunasang mga sakit na dulot nito, ang pagkasira ng katauhan at moralidad sa pagtatalik sa murang edad, tulad ng mga pasyente ng Department of Health na sa edad 11 at 12 ay may nakahahawang tulo na at ang iba’y may AIDS pa.
Nananawagan na sila na imulat ang kabataan. Magkaroon ng sex education.
Pero, tila mahina sa Ingles ang mga tutol, lalo na ang mga pari. Ang sex education ay malayo sa teaching sex. Pero, bakit naroon sila sa “malayo?” Ang kanilang pakiwari’t basa ay ituturo sa mga bata ang pakikipagtalik. Ito’y nakapagtataka dahil wala pa nga ang itlog ay may pumutak na. Nabasa na ba nila kung ano ang ituturo? Nakita na ba nila ang itlog?
Nakapagtataka dahil hanggang ngayon ay nananatili pa rin ang dikta ng simbahang Katolika. Noong unang maluklok si Gregorio Honasan bilang senador, ito ang balak niyang alisin. Ang dikta ng simbahan. Kaya ipinanukala niya na buwisan ang bondat sa yamang simbahan (di nga lang nagtagumpay si Gringo).
Nakapagtataka dahil dumami yata ang lahi ni Padre Damaso.

Bandera, Philippine News, 060710

Read more...