Target ni Tulfo by Mon Tulfo
HINDI kataka-taka na dinismis ng Office of the Ombudsman ang kasong kriminal kina President Gloria at ang kanyang “butihing” esposo na si First Gentleman Mike Arroyo sa NBN-ZTE gross overpricing project scandal.
Tama lang na madismis ang kaso laban kay Gloria dahil ang Pangulo ng bansa ay hindi makakasuhan habang siya’y nasa puwesto.
Pero, por Dios por santo naman, garapal yata ang pagdismis ng kaso laban kay FG!
Si Mike Arroyo at dating Commission on Elections Chairman Ben Abalos ang talagang mga “utak” sa NBN-ZTE project na hindi natuloy dahil masyadong garapal.
Bakit hindi kinasuhan si FG, samantalang si Abalos ay sinampahan ng kaso sa Sandiganbayan?
Dahil po itong si Ombudsman Merceditas Gutierrez ay classmate ni Mike Arroyo sa Ateneo de Manila College of Law.
Pareho silang bar flunkers ng dalawang beses.
Si FG ang naglagay kay Gutierrez bilang Ombudsman.
Kaya’t hayan, binayaran lang ni Gutierrez si Mike Arroyo sa ibinigay nitong pabor sa kanya.
Kahit bar flunker itong si Mike Arroyo ng dalawang beses ay “wais” siya: He could see into the future.
* * *
Ang pagsasampa ng kaso kina Abalos at dating NEDA Director-General at ngayon ay SSS Administrator Romy Neri was a step in the right direction.
It was a saving grace for Ombudsman Gutierrez.
Bakit isinabit si Neri kahit na siya diumano ang nagsabi kay Pangulong Gloria na inalok siya ni Abalos ng P200 million upang pirmahan niya ang NBN-ZTE project?
Dahil nagpapa-presyo itong si Neri at naliitan siya sa alok ni Abalos.
Kailangan ang pirma ni Neri bilang NEDA director-general upang maaprubahan ang proyekto.
Tinanggihan ni Neri ang alok ni Abalos dahil maliit lang ang matatanggap niyang lagay samantalang sina Mike Arroyo at Abalos ay bilyon-bilyong piso ang komisyon sa pamunuan ng NBN-ZTE Corp.
Sinabi ng Ombudsman na matapos inalok ni Abalos si Neri ng P200 million bilang kanyang parte, patuloy itong nakikipagkita kay Abalos.
Nang isinumbong diumano ni Neri kay Pangulong Gloria ang alok ni Abalos, sinabi sa kanya na tanggihan ang alok pero aprubahan nito ang proyekto.
Dito na nagtampo si Neri.
May nakapagsabi sa akin na kakilala ni Neri na inutusan nito si Rodolfo “Jun” Lozada, na isa sa mga whistle-blower sa NBZ-ZTE scam, na ibunyag na ang anomalya.
Akala ba ninyo ay malinis itong si Lozada?
Hindi po! Siya’y hatchet man ni Neri sa mga proyekto sa gobyerno.
Si Lozada, ayon sa isa sa aking mga espiya, ang middleman para kay Neri sa mga ahensiya ng gobyerno na may malalaking proyekto na kailangan ang pirma ng National Economic and Development Authority o NEDA.
Si Lozada raw ang “front” ni Neri sa mga deals tungkol sa mga proyekto na kailangan ang kanyang pirma bilang NEDA chief.
“E, paano naman si Boss (Neri) kapag naaprubahan ang proyekto?” Yan daw ang de kahon na sinasabi ni Lozada sa mga opisyal ng mga ahensiya na may mga pending multi-million peso projects.
Ang mahirap lang sa NBN-ZTE project, ang mga buwayang sina Mike Arroyo at Abalos ang mga humawak nito, kaya’t itsa-puwera sina Neri at Lozada.
Mabuti pa nga at inalok pa ng buwayang si Abalos si Neri ng P200 million na tinanggihan naman ng huli dahil naliitan ito sa halaga.
Kung tinanggap ni Neri ang P200 million na alok ay baka hindi mabubunyag sa publiko ang NBN-ZTE scam.
Bandera, Philippine News, 060310