Christian Bables, Keempee de Leon pinatawa, pinaiyak ang madlang pipol sa ‘Mahal Kita, Beksman’; pang-award ang akting

TUMAWA kami, umiyak, at tumawa uli nang tumawa habang pinanonood ang bagong pelikula ng Viva Films at IdeaFirst Company na “Mahal Kita, Beksman”.

Mula sa mga gumawa ng “Die Beautiful” at “The Panti Sisters”,  may bagong pelikulang kagigiliwan uli ng lahat ng uri ng manonood, hindi lamang ng LGBTQ community. Isa itong pelikulang tungkol sa pag-ibig at pagkakakilanlan.

Ang “Mahal Kita, Beksman” ay umiikot sa kwento ni Dali, ang nag-iisang anak nina Jaime at Gemma (Keempee de Leon at Katya Santos) na kung tawagin niya ay “Papshiekels at  Momshiekels”.

Si Dali ay mahusay na make-up artist at designer.  Hindi naman nakapagtataka dahil ang tatay niya ay namamahala sa beauty salon at ang kanyang nanay ay may dress shop.

Ginagampanan ng multi-award winning actor na si Christian Bables (Big Night, Single Rock, Die Beautiful, The Panti Sisters), ang dating ni Dali ay kasing-garbo ng mga baklang nakapaligid sa kanya.

Natural na sa lahat na tignan siya bilang katulad nila na binabae.  Kaya naman laking gulat nila nang malamang siya ay “straight” o tunay na lalaki. Maging si Papshiekels ay in denial at pinipilit na isa lamang itong “phase” sa buhay ni Dali.

Pero, para kay Dali, sigurado na siya na nakita na niya ang kanyang babaeng pinapangarap – si Angel.

Si Angel, ginagampanan ni Iana Bernardez (Mahal Kita with All My Hypothalamus, Metamorphosis), ang unica hija sa kanilang pamilya na puro macho.

Sports coach ang tatay niya, habang ang mga kapatid niya ay nagpapatakbo ng gym at car shop.  Kung titignan, talagang hindi papasa si Dali bilang “ideal boyfriend” para kay Angel.

Sa dami ng mga hadlang, mapapatunayan ba ni Dali na karapat-dapat siya kay Angel? Magagawa bang tanggapin ng iba ang tunay niyang pagkatao? Malalampasan ba ng pag-ibig ang lahat ng pagsubok?

Ang “Mahal Kita, Beksman” ay mula sa direksyon ni Perci Intalan, kilala sa pelikulang “Dementia” at “Unforgettable” at executive producer ng  “Untrue”, “Die Beautiful”, “The Panti Sisters”, at marami pang iba.

At napanood na nga namin ang pelikula sa ginanap na special celebrity screening nito kamakailan at talaga namang tawa kami nang tawa sa mga nakakaloka at paandar na eksena ni Christian pati na ni Keempee at ng iba pang members ng cast.

Pero sa bandang gitna at ending ng pelikula ay pinaiyak naman nila ang manonood dahil sa ilang makabagbag-damdaming eksena.

But in fairness, mas nag-enjoy kami sa ending ng “Mahal Kita, Beksman” dahil napakanta at napasayaw pa kami nang tugtugin na ang themesong ng movie na “Kapag Tumibok Ang Puso” ni Donna Cruz.

Hindi na kami masyadong magkukuwento about the story, panoorin n’yo na lang ito sa

sa mga sinehan simula sa November 16.

Bukod kina Christian at Keempee, ka-join din sa movie sina Iana Bernandez at Katya Santos sa direksyon ni Perci Intalan.

* * *

Todo puri si Keempee sa galing ni Christian bilang aktor matapos nilang gawin ang kanilang movie, “Kay Christian kasi noong script reading pa lang namin madali na siyang lapitan e.

“Magaan yung…alam mo yung pag first time kayong nagkita, nag-meet o magkakatrabaho pa lang, malalaman mo na yung pakiramdam na magaang katrabaho itong tao na ito.

“And si Christian kasi smiling face ito e, tawa lang nang tawa, kuwento-kuwento. Kumbaga not for anything, walang ere. Iilan lang talaga ang mabibilang ko sa daliri ko, kung ilang tao lang kasi yung iba malakas ang dating, medyo mayabang. Ito wala, ni bahid ng isang ano (yabang), wala. Napakanatural.

“At saka proud ako rito kasi talagang magaling na aktor ito. Kumbaga as an old timer, maiisip ko lang ngayon kung sino yung talagang magaling gumanap sa ganitong roles sa mga kaedaran ni Christian ha.

“At saka very down to earth itong batang ito. Not for anything pero talagang nakatanggap siya ng different awards. Kumbaga nandiyan pa rin yung level niya, mababa pa rin, kumbaga taong-tao pa rin. Kaya thankful ako na nakilala ko ito,” lahad ng veteran comedian at TV host.

Related chika:

Keempee de Leon 12 years hindi gumawa ng pelikula; bakit biglang binati ni Donna Cruz?

Christian Bables sobrang bilib kay Keempee: Ang dami kong natutunan!

Read more...