UPANG tugunan ang lumalaking pangangailangan sa pagsasanay ng mga lalaking kandidato bunsod ng yumayabong na mundo ng male pageantry sa bansa, isang bagong training camp ang tinatag sa gitna ng larangang pinananaigan ng mga kampong nakatuon sa pagsasanay sa kababaihan.
Sasabak na sa Philippine pageant scene ang Camp Hiraya sa pamamagitan ni EJ Malik, kinatawan ng Lanao del Norte sa unang Great Man of the Universe Philippines pageant ngayong taon. Nakausap niya ang ilang piling kawani ng midya upang talakayin ang pagsalang niya sa bagong patimpalak bilang unang alaga ng camp.
“Sa ngayon ako lang talaga, gusto kasi ng camp na naka-focus lahat sa isang kandidato lang, para walang maiwan,” aniya.
Beterano na sa pageants si Malik, at akala niya nagretiro na siya sa pageantry sapagkat huli siyang nakatuntong sa entabaldo ng isang contest limang taon na ang nakararaan. Nahikayat siya umano ni reigning Miss Global Shane Tormes, co-titleholder niya sa 2016 Mister and Miss Rizal pageant, na muling sumabak sa pageantry.
“Sinabihan niya ako na lumaban ulit, na i-pursue ko ang passion ko,” ibinahagi ni Malik. Sinabi niyang hinangad dati ni Tormes na maging unang Miss Grand International winner mula sa Pilipinas, ngunit “redirected” siya sa Miss Global pageant at naging unang Pilipinang reyna doon. Ito ang naghimok sa mga naging pasya niya kaugnay sa pageantry. Sa Mister Grand Philippines contest siya unang nakatakdang lumahok, ngunit nilisan niya ito upang sumabak sa Great Man of the Universe competition, aniya.
Isang tourism consultant sa bayan ng Nunungan si Malik, at ito ang nagbigay-daan sa pagbitbit niya sa Lanao del Norte sa Great Man of the Universe Philippines contest. Siya ang unang opisyal na kinatawan ng lalawigan sa isang national male pageant.
Makakalaban niya ang 39 iba pang kinatawan sa 2022 Great Man of the Universe Philippines final competition sa Novotel Manila Araneta City sa Nob. 13.
Related Chika:
Tourism Ambassador Universe pageantry sa Malaysia inusog sa Hulyo
India wagi sa Man of the World pageant; Philippines 2nd runner-up
Misters of Filipinas delegates rumampa sa Philippine Pageant Ball