TINAPOS ni Binibining Pilipinas Maureen Montagne ang isang dekada niyang pageant “career” sa pagsasalin ng korona bilang The Miss Globe nitong Oktubre sa Albania, isang titulong sagisag ng katuparan ng pangarap niyang mahandugan ang Pilipinas ng isang international crown. May hinahangad pa ba ngayong Pasko ang isang tulad niyang nakamit na ang mithiin? Mayroon pa rin siyang hiling.
“My Christmas wish is for Hannah [Arnold] to win Miss International and bring home the seventh crown because she is so deserving,” sinabi ni Montagne sa Inquirer sa isang panayam sa press conference para sa “Christmas Like No Other” holiday program ng Araneta City noong Okt. 28 sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City. Siya ang host ng event.
Nagyong nakamit na niya ang minimithi ng puso niya, ang hinahangad ng Filipino-American model ngayon ay para sa iba, ang Bb. Pilipinas sister at batchmate niya.
Sumali sina Montagne at Arnold sa 2020 Bb. Pilipinas pageant, na umabot na hanggang 2021 dahil sa COVID-19 pandemic. Ipinadala si Montagne sa The Miss Globe pageant at nasungkit ang korona, ngunit nabinbin ang pagsabak ni Arnold, hinihintay na matuloy ang ika-60 Miss International pageant.
Makaraang i-postpone ang 2020 Miss International pageant, nagpasya ang Japanese organizers na kanselahin na rin ang pagtatanghal para sa 2021 at sa halip ay isagawa ang ika-60 edisyon ngayong 2022. Nakoronahan na ni Arnold ang tagapagmana niya bilang Bb. Pilipinas nitong Hulyo nang hindi nakalalaban abroad, at nagtataka ang mga tagasubaybay kung mabibigyan pa rin siya ng pagkakataong makatawan ang Pilipinas sa international competition niya.
Nilinaw ng Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI) na si Arnold pa rin ang ipadadala sa ika-60 Miss International pageant, at sa edisyon sa 2023 lalaban ang tagapagmana niyang si Nicole Borromeo.
Kung magwawagi si Arnold sa pandaigdigang patimpalak niya, mabibigyan niya ang kaniyang 2021 Bb. Pilipinas batch ng ikatlong international crown. Maliban kasi kay Montagne, nasungkit din ni Cinderella Faye Obeñita ang titulo bilang Miss Intercontinental.
Tutulak si Arnold sa Japan ngayong buwan para sa ika-60 Miss International pageant, na magtatapos sa isang coronation program sa Tokyo Dome City Hall sa Dis. 13.
“Please keep supporting Hannah. She, I think, is our last contestant for 2022. Let’s support her all the way and pray for our queen,” pagsusumamo ni Montagne.
Samantala, ibinahagi rin niya ang resolution niya para sa 2023: “I think my New Year’s resolution is to be a more competitive host. I feel like I’ve finally gotten my foot in the door and every event or job I’m improving. I know I’m not perfect, but I really want to be one of the top premier hosts in the Philippines.”