Dingdong Dantes, Heart Evangelista at Alden Richards
SUMENTRO sa tunay na kahulugan ng pagmamahal ngayong Kapaskuhan ang pinakabago at inaabangang Christmas Station ID (CSID) ng GMA Network na “Love is Us This Christmas.”
Nagkakaisa ang lahat ng mga Kapuso viewers sa pagsasabing nakaka-goosebumps at tumatagos sa puso ang mensahe ng naturang Christmas station ID ng Kapuso Network.
Ipinalabas na nitong November 6 ang full-length CSID video kung saan tampok ang pinakamaniningning na Kapuso artists at personalities sa pangunguna nina Jessica Soho, Dingdong Dantes, Michael V, Heart Evangelista, Dennis Trillo, Alden Richards, Bea Alonzo, at Marian Rivera.
“Dalawang taon na tayong nagpa-Pasko nang hindi magkakasama. Ipinagdiwang natin ang pinakamasayang araw ng taon sa kanya-kanya nating mga bahay.
“Bagamat masaya rin naman ang mga nagdaang Kapaskuhan, iba pa rin ‘yung magkakasama tayo sa paggunita sa araw ng Kanyang kapanganakan.
“Kaya ngayon, babawi kami! Ipadarama namin sa inyo ang aming pagmamahal at pasasalamat dahil miss na miss na namin kayong lahat!” saad ng Kapuso celebrities sa simula ng station ID.
Makikita sa holiday video ang mga Kapuso habang nag-aayos ng Christmas tree at wine-welcome sa kani-kanilang tahanan ang kanilang mga pamilya, kaibigan, at fans. Talagang na-miss ng lahat ang mga ganitong pagtitipon noong mga nakalipas na taon dahil sa pandemya.
Bahagi na ng tradisyon ng GMA at viewers ang Christmas station IDs. Paraan din ito ng Network para magpasalamat sa natatanggap nitong mainit na suporta mula sa mga Kapuso fans.
Iyan ang dahilan kung bakit nananatiling leading broadcast network ang GMA sa bansa, na mayroon nang 95 TV stations sa Pilipinas.
Una nang ni-release ang lyric video ng newest holiday theme song na “Love is Us This Christmas” kasama sina Julie Anne San Jose, Christian Bautista, Aicelle Santos, Mark Bautista, Maricris Garcia, Garrett Bolden, Jeremiah Tiangco, Anthony Rosaldo, Thea Astley, Mariane Osabel, XOXO, Zephanie, at Vilmark Viray.
Habang unti-unti nang nakakasanayan ang new normal, mas tumitibay ang pag-asa ng mga Pilipino na muling makapagdiwang ng Pasko kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Nais din ng Kapuso Network na magsilbing inspirasyon ang awiting ito para ipalaganap ang totoong pagmamahal at magbigay ng saya sa kapwa ngayong Pasko.
Panoorin ang GMA Network 2022 Christmas Station ID #LoveisUsThisChristmas sa official GMA Network Facebook at YouTube accounts, o sa official website www.gmanetwork.com.
Julie Anne ipinadama ang diwa ng Pasko sa ‘Love is Us this Christmas’ lyric video ng GMA; bagay na bagay na Maria Clara
‘Tree of Hope’ bidang-bida sa ‘Love Together, Hope Together’ 2021 Christmas station ID ng GMA