‘Cosmo Manila’ king and queen tig-P200,000 ang premyo

 

BONGGA ang unang pagtatanghal ng Cosmo Manila King and Queen contest sa Skydome ng SM North Edsa sa Quezon City noong Nob. 5 sapagkat tig-P200,000 ang premyong tinanggap ng dalawang nagwagi.

Nang natapos na ang patimpalak madaling-araw ng Nob. 6, hinirang na hari at reyna sina Jovy Angel at Morena Carlos, may korona pa sa kanilang mga ulo at balabal sa kanilang mga balikat.

IMAGE: COSMO MANILA KING AND QUEEN FACEBOOK PAGE

Ang film producer at dating aktor na si Marc Cubales ang organizer ng patimpalak, na nagnanais na maiangat ang karaniwang bikini contest sa bansa, at muling buhayin ang industriya ng live entertainment production na lubos na naapektuhan ng mga pagbabawal na bunsod ng COVID-19 pandemic.

Pinasok na rin niya ang film production upang suportahan ang pagbangon ng industriya ng pelikulang Pilipino, sa pamamagitan ng kolaborasyon sa direktor na si Jay Altarejos at 2076 Kolektib para sa “Finding Daddy Blake,” na lumabas ang trailer sa mismong araw ng Cosmo Manila King and Queen finals.

Hinirang din ng contest sina Nash Mendoza at Aya Valdez bilang first runner-up, habang second runner-up naman sina RJ Absalud at Dimpol Ortega.

IMAGE: COSMO MANILA KING AND QUEEN FACEBOOK PAGE

Third runner-up naman ang mga national pageant veteran na sina Christian Villarin at Anita Gomez. Lumaban na sa Mister Grand Philippines at Mister International Philippines contest si Villarin, habang sa Miss Philippines Earth pageant naman naging kandidata si Gomez.

Fourth runner-up sina Simon Abrenica at Sahara Cruz.

Ikinagulat ng maraming manonood sa live at online ang pagtatapos ni Allen Molina sa Top 8. Bilang beterano ng ganitong uri ng patimpalak nang isang dekada na, at nakasungkit ng di-mabilang na mga titulo, kataka-taka para sa maraming tagasubaybay niya ang pagkaligwak sa kanya sa hanay ng mga nagwagi.

Sinabi naman ng host na si John Nite na magbabalik sa susunod na taon ang Cosmo Manila King and Queen contest. Kasama niya sa entablado sina 2020 Miss World Philippines “Beauty With A Purpose” winner Joy Barcoma at batiking pageant emcee na si Michael Bristol.

Read more...