KAHIT ilang araw nang nakalabas ng bansa ang bagyong Paeng, nagdeklara ng “State of Calamity” si Pangulong Bongbong Marcos sa apat na rehiyon.
Ito ang Calabarzon, Bicol Region, Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), base sa pinirmahang Proclamation No. 84.
Sa ilalim ng “State of Calamity,” binibigyan ng mas malaking kapangyarihan ang mga ahensya ng gobyerno para matugunan ang apektado ng bagyo.
Dahil diyan mapapabilis ang pag-rescue, relief operations at rehabilitasyon hindi lang ng gobyerno kundi pati na rin ng mga pribadong sektor.
Ilan rin sa mga epekto ng nasabing status ay ang pagpayag sa mga lokal na pamahalaan na gastusin ang kanilang “quick response funds,” pati na rin ang pagpataw ng price cap para mapigilan ang pagsipa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Ayon kay pangulong Marcos, magtatagal ang state of calamity status ng hanggang anim na buwan.
Bukod pa sa apat na rehiyon ay idineklarang state of calamity rin ang nasa 164 na siyudad at bayan, base sa hiwalay na pinirmahang proklamasyon ng pangulo.
Ayon sa latest report ng gobyerno, umakyat na sa 121 ang mga namatay dahil sa bagyong Paeng.
Tatlong milyong katao naman ang naapektuhan.
Umabot na sa P1.2 billion ang halaga ng pinsala sa agrikultura, habang P12.7 million ang halaga ng mga nasirang bahay.
Matatandaang noong nakaraang linggo, limang beses tumama sa lupa ang bagyong Paeng.
Narito ang listahan ng mga landfall:
-
Virac, Catanduanes (Oct. 29, 1:10 a.m.)
-
Caramoan, Camarines Sur (Oct. 29, 1:40 a.m.)
-
Buenavista, Quezon (Oct. 29, 6:00 a.m.)
-
Santa Cruz, Marinduque (Oct. 29, 8:40 a.m.)
-
Sariaya, Quezon (Oct. 29, 1:40 p.m.)
Read more:
Lyca Gairanod apektado sa pananalasa ng bagyong Paeng: Sira na ang bahay namin