Atom Araullo umalma sa fake news: Utang na loob, itigil n’yo na ang teoryang ipinangalan ako sa August Twenty One Movement o ATOM
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Atom Araullo
HINDI na napigilan ng Kapuso news anchor at dokumentarista ang kanyang pagkadismaya sa mga naglalabasang balita tungkol sa tunay na kahulugan ng kanyang pangalan.
Pilit kasing inuugnay ng ilang netizens ang kanyang name sa mha isyu na wala naman talaga siyang kinalaman.
Sa kanyang Facebook post, nilinaw ni Atom ang tungkol sa maling impormasyon na ipinagkakalat ng mga taong walang magawa sa kanilang buhay kundi ang mag-post ng fake news sa social media.
Ayon kay Atom, o Alfonso Tomas Araullo sa tunay na buhay, pilit na inuuganay ang kanyang pangalan sa ilang isyung may kinalaman sa New People’s Army at ilan pang disinformation online patungkol sa kanya.
Pakiusap ng Kapuso broadcast journalist, “Utang na loob, itigil niyo na yung teoryang ipinangalan ako sa August Twenty One Movement o ATOM.
“Pinaslang po si Ninoy noong August 21, 1983. Ipinanganak ako noong 1982 (huhu ayan age reveal tuloy).
“Ang Atom po ay kumbinasyon ng Alfonso at Tomas, na pangalan ng dalawa kong Lolong astig,” ang paglilinaw pa ng binata.
Patuloy pa ni Atom, “Nakakatawa na ang dami-daming naniniwala diyan, at ginagamit na pruweba ng umano’y secret political agenda ko (gasp).
“Never thought I’d need to explain this, but here we are. #Disinformation is real. Learning poverty is real. Anyway, sana masarap ang mga ulam ninyo ngayon,” aniya pa.
Kamakailan ay nag-post si Atom sa Twitter ng ilang screenshots ng mensahe ng isang netizen na nagpapakalat ng balita na miyembro umano ng New People’s Army ang kanyang inang si Carol.
“I don’t usually call out private individuals here, but behavior like this should not be normalized.
“Disinformation is a huge problem globally, one that can have deadly consequences. Examples from a particularly devoted user below,” ang paglilinaw ng news anchor ng GMA.