Christian Bables laging pinagdududahan ang gender, game sa kahit anong role: Kahit ipis o tutubi, go lang nang go!
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Christian Bables at Keempee de Leon
ISA ang award-winning actor na si Christian Bables sa mga kilalang male celebrities na palaging pinagdududahan ang tunay na kasarian.
Mula pa raw noong unang pagpasok niya sa mundo ng showbiz ay may mga nagtatanong na sa kanya kung straight ba siya o beki.
Mas lalo pa raw dumami ang nagda-doubt sa kanyang gender nang magsunud-sunod ang pagpo-portray niya ng gay role sa pelikula.
Sa nakaraang virtual mediacon ng bagong pelikula ni Christian, ang “Mahal Kita Beksman” kung saan gaganap uli siya bilang bading, ay natanong nga ang aktor tungkol dito.
“Naku, lagi naman po,” ang natatawang comment ni Christian sa ayaw mamatay-matay na isyu ng kabadingan.
At sigurado raw siya na mabubuhay na naman ang gender issue sa kanya dahil sa “Mahal Kita Beksman” ng IdeaFirst at Viva Films na mula sa direksyon at script ni Perci Intalan. Perk sa kabila nito, hindi naman daw naba-bother ang aktor.
“May mga tao nga nagsasabi, ’Ay si Christian Bables typecasted na,’ yung mga ganu’n-ganu’n. But ako kasi, bilang isang actor hindi ako naniniwala sa typecasting, eh.
“Although dumaan ako doon sa phase na yon na natakot ako na baka hindi na ako mabigyan ng mga ibang mga karakter na alam kong kaya ko pang gampanan, pero habang nagma-mature ako dito sa industriya parang na-realize ko na there’s no such thing as typecasting pagdating sa mga aktor.
“For as long as binibigyan ka ng mga makabuluhang karakter na puwede kang makatulong through your craft I think yon ang main na objective namin bilang mga actors. So kahit na ipis o tutubi pa yang role na yan, game lang,” pahayag pa ng binata.
Tungkol naman sa pagkakaiba ng karakter niya sa “Beksman” sa mga past movies niya na “Die Beautiful”, “The Panti Sisters” at “Big Night”, “Well, ang pinakamalaking pagkakaiba dahil ang sexual orientation ni Dali (karakter niya) dito ay straight.
“He identifies himself as straight guy. Yung kanyang expression yon lang yung parang wala don sa standards na nakaugalian ng society natin na kailangan pag lalaki ka dapat ganito ka. Na pag you’re gay, eto ka dapat.
“So labas kasi du’n yung karakter ni Dali kaya nung in-offer sa akin ito sabi namin ni Tito Boy (Abunda), ‘Ang ganda nito, gawin natin.’ Ang ganda nung script, ang ganda nung gustong iparating nung kwento,” chika pa ni Christian.
Sa mga kasabayan niyang aktor, mukhang siya na raw ang may pinakamaraming gay roles sa pelikula, reaksyon ng aktor, “Masaya ako sa ganu’n kasi isang tao lang ang naiisip ko si Tito Dolphy.
“Kumbaga, parang before kung iniisip ko, Oh my gosh, nakakatuwa naman yung nangyayari sa akin.
“Kasi pinagkakatiwalaan ako nu’ng mga karakter na tingin daw nung mga tao, pero hindi po nanggaling sa akin ito, pero tingin daw nung mga taong gumagawa nung project na yon na parang iilan lang kami na merong lakas ng loob, buong puso sa paggawa ng mga ganu’ng karakter.
“I feel so honored na ako po isa sa napagkakatiwalaan nila. And I’m excited on what about to happen in the future, kung saan ako dadalhin ng karerang ito,” lahad pa ni Christian.
Mapapanood na ang “Mahal Kita Beksman” sa mga sinehan simula sa November 16. Makakasama rin dito sina Keempee de Leon, Katya Santos at marami pang iba.