Herlene Budol nanawagan kay ‘Nene’

 

Miss Planet Philippines Herlene Nicole Budol

Miss Planet Philippines Herlene Nicole Budol/ARMIN P. ADINA

NAGKUWENTO si Binibining Pilipinas first runner-up Herlene Nicole Budol tungkol sa kaibigan niyang si “Nene,” at kung bakit inaabangan niya ang muli nilang pagkikita.

Nangyari ito sa isang munting pagtitipon ng mga kawani ng media para sa kanyang send-off press conference sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City noong Okt. 21, para sa pagsali niya sa Miss Planet International pageant.

“May kaibigan ako, sinabi sa akin ‘sige hindi kita papansinin hanggang hindi ka nagkaka-billboard,’ si Nene. Shoutout nga pala sa’yo Nene. ’Ne, pansinin mo na ako, magpansinan na tayo. Oct. 26 magkita-kita po tayong lahat sa Edsa,” pahayag ni Budol.

Mahalaga ang petsa sa actress-host sapagkat dito lalabas sa EDSA ang kaniyang 3D billboard, ang pinakamalaki sa bansa. “Salamat din sa Jag na binigyan ako ng hindi ko akala mangyayari sa buong buhay ko, billboard, 3D. Grabe kayo, ’no, Jag? Tinupad ninyo ang isa sa mga pangarap ko,” aniya.

Ang clothing brand ang nagpatawag ng press conference, na dinaluhan ng mga ka-reyna ni Budol, sina Bb. Pilipinas International Nicole Borromeo, Bb. Pilipinas Intercontinental Gabrielle Basiano, at Bb. Pilipinas second runner-up Stacey Gabriel.

Tinanggap ni Budol ang titulong “Jag Queen” sa grand coronation night ng Bb. Pilipinas pageant nitong Hulyo, isa lang sa sandamakmak na award na hinakot niya noong gabing iyon.

Nang hirangin siyang first runner-up, wala itong kaakibat na international pageant para salihan niya. Ngunit naghanap ang manager niyang si Wilbert Tolentino ng patimpalak na maaari niyang labanan. Nakipag-ugnayan ang manager kay Shandy Montecarlo, national director ng Miss Planet International pageant para sa Pilipinas, upang maisalang si Budol contest.

Hiningi ni Tolentino ang pahintulot ng Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI) upang makatawan ni Budol ang Pilipinas sa isang international pageant na hindi nito hawak ang lisensya at habang nasa ilalim pa ng pangangalaga nila ang dilag. Nakamit ng manager ang hiling niya kaya naghahanda na ngayon ang alaga niya para sa pinakamalaking laban ng kaniyang buhay.

Tinatag ang Miss Planet International pageant sa Cambodia noong 2019 upang isulong ang Sustainable Development Goals ng United Nations. Kabilang sa mga misyon ng patimpalak ang pangangalaga sa kalikasan at pagpuksa sa kahirapan.

Isasalin ni reigning queen Monique Best mula South Africa, na nanalo sa Phnom Penh, Cambodia, noong 2019, ang korona niya sa Kampala, Uganda, sa Nob. 19 (Nob. 20 sa Maynila).

Read more...