Kathryn, Daniel nag-explain kung bakit hindi na na-extend ang ‘2 Good 2 Be True’: Lahat naman may ending talaga…
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Daniel Padilla at Kathryn Bernardo
SA nalalapit na pagtatapos ng hit Kapamilya series na “2 Good 2 Be True” na pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, marami ang nagre-request na sana’y magkaroon ito ng extension.
Ayon sa mga loyal viewers ng programa, bitin na bitin pa sila sa kuwento at feeling nila pwedeng-pwede pa itong pahabain lalo na ang love story ng mga karakter nina DJ at Kath.
Kagabi, humarap sa ilang members ng entertainment media ang cast members ng “2 Good 2 Be True” para sa finale presscon at sinagot nga nila ang tanong kung bakit kailangan nang tapusin ang serye.
In fairness, talagang sinubaybayan ng mga manonood ang comeback at reunion series ng KathNiel na anim na buwan na ngayong namamayagpag sa Netflix at sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN.
Ayon sa direktor ng serye na si Mae Cruz Alviar, “Mahirap magpaalam. Kumbaga sa relasyon, parang okay naman kayo, masaya kayo and all. Why end something good?
“But then, ‘di ba, maganda naman na you end with a bang and on a high note, rather than i-stretch mo nang i-stretch tapos mararamdaman din ng audience.
“It’s good na na-max out namin ang istorya. Kumbaga, sapat siya. Puwede pa, puwede pa, pero it’s better that we end it here, habang masaya pa at hindi stretched,” paliwanag ni Direk.
Pagpapatuloy pa niya, “We’re very happy to hear that people are saying that. We are very happy. Talagang nakakataba ng puso lapag sinasabing, ‘Puwede pa mag-extend.’ But right now, at this point, this is where it should end, at masaya kami na we’re ending on a high note.”
Sey naman ni Kathryn, “Sa akin naman, aside doon sa kontrata sa Netflix na ni-commit is 130 episodes, we can’t extend. As much as we want to extend it, kasi meron kaming magandang show, lahat, every story, kailangan mag-end.
“The viewers now are very smart so alam nila ‘pag pinilit mo na lang, ‘pag pinapahaba mo na lang for the sake of filling the episodes.
“I think, ito, ‘yung 130 is enough, kasi nakita ‘yung journey ng lahat ng characters. Nakita ‘yung flashback, nakita ‘yung mga backstory and all na tinahi sa story ng present time,” dagdag ng Box-office Queen.
Pero pag-amin ni Kath, “Mahirap bitawan ‘yung show sa totoo lang, lalo ngayon gamay na namin ‘yung isa’t isa, nag-gi-jive na lahat, but then ayaw namin ipilit. Ito na ‘yun. Watch the finale and you’ll see ‘yung sinasabi ko na it’s enough na talaga.”
Ayon pa sa girlfriend ni DJ, talagang inaatake sila ng sepanx o separation anxiety sa pagtatapos ng “2 Good 2 Be True” dahil pamilya na talaga ang turingan ng buong production.
“Hindi pa siya nagsi-sink in sa akin. It feels surreal kasi hindi namin namalayan ‘yung oras, kasi nga lock-in, so ang bilis. Tapos ngayon, mag-ki-Christmas na.
“Ang bilis lahat nangyari for this year para sa aming lahat. Pero narito tayo sa realidad, nandito tayo for the last three weeks of ‘2 Good 2 Be True,’” aniya pa.
Para naman kay Daniel, “Ganoon din, parang kailan lang. Ang bilis ng panahon. Siguro, dahil masaya kaming lahat. Hindi namin napansin ‘yung isang taon naming tumakbo.”
“Napakabilis ‘pag nag-i-enjoy ka. But I’m very thankful. Isa ‘to sa mga shows na natapos na hindi kami ganoon na-stress. Napakasarap gawin ng show na ‘to.
“I think lumalabas naman sa screen, e, ‘yung chemistry naming lahat. ‘Yung bond namin, ng cast, ng staff, iyon ang mami-miss ko rito,” aniya pa.