Jolens 32 years na sa showbiz, hiyang-hiya pa rin kapag tinatawag na ’90s icon’

Jolens 32 years na sa showbiz, hiyang-hiya pa rin kapag tinatawag na '90s icon'

Jolinq Magdangal

HIYANG-HIYA pala ang Kapamilya actress at TV host na si Jolina Magdangal kapag tinatawag at ipinakikilala siya bilang icon ng dekada ‘90.

Hanggang ngayon ay naiilang at hindi pa rin daw siya sanay kapag naririnig ang kanyang pangalan kasunod ang bansag na showbiz icon dahil sa kanyang kasikatan noong 1990s.

Yan ang inamin ni Jolens sa latest YouTube vlog ng Kapuso actress na si Camille Prats na in-upload last Wednesday, October 19.

“Alam mo Cams, ‘yung pagiging icon, kahit sinasabi sa akin minsan nahihiya ako. Kasi parang feeling ko, ano ba ang basehan ng pagiging icon?

“Tsaka kapag sinabi mong icon, talagang tumatak ‘yan sa mga tao. Eh, paano kapag wala nang butterfly, wala na ring icon? Parang ganu’n, eh. Parang feeling ko ganu’n,” paliwanag ng Jolina.

In fairness naman kasi kay Jolina, talagang sumikat naman siya nang bonggang-bongga lalo na noong kasagsagan ng loveteam nila ni Marvin Agustin.

Bukod sa kanyang verstality as an actress (magaling magdrama, magpatawa at kumanta), nakilala rin siya dahil sa kanyang pagiging fashionista na ginagaya at kinokopya noon ng mga kaedad niya.

Patuloy na paliwanag ni Jolens, “So, kapag sinasabihan ako ng icon, nasa isip ko, ‘Nakakahiya sa mga totoong icon!’”

Reaksyon naman ni Camille,  may karapatan naman siyang tawaging icon dahil nag-iisa lang talaga siya sa entertainment industry.

“But you are a real icon, ate. Kumbaga there is no one like you. And ilang taon ka na sa industry? 32? Oh, kita mo!” pahayag ni Camille.

Nagkasama rin sina Jolina at Camille sa ilang shows ng ABS-CBN, kabilang na ang sitcom na “Arriba, Arriba”. At in fairness uli, hanggang ngayon ay very active pa rin sila sa kanilang career.

“Ako ate 30 years (na sa showbiz). ‘Di ba. Such a blessing, ate. Such a blessing,” sabi ni Camille.

Sey naman ni Jolina, “And I think hindi natin ‘to mararating kung hindi…kumbaga minahal natin kung nasaan tayo ngayon kahit ano pang intriga at kahit ano pang pinagdaanan natin.”

Hirit naman ni Camille, “And you know, being in the industry, just like any industry, wala namang mabait na industriya ‘di ba. Lahat naman may mga kanya kanyang struggles.

“Pero nagpapasalamat lang ako na parang for me, kung nasaan man ako ngayon, and I’m sure you can say the same for yourself, wala akong pagsisisi,” dagdag pa ngaktres.


Sa tanong kung ano ang sikreto ni Jolens sa mahabang panahon ng pananatili niya sa showbiz kahit na maraming pagsubok ang dumating sa kanyang buhay.

“’Yung mga tao na nagmamahal. Siguro ‘yung ‘pag wala na talaga akong nababasa na natutuwa sa gusto ko, na parang, ‘Ano pang ginagawa mo diyan sa TV?’

“Pero kahit may isa na lang na meron pang nai-inspire dahil sa napapanood nila sa akin, I think, laban. Laban lang tayo dito sa industriya,” sabi ni Jolina.

“At hindi madali, ah. Lalo na, alam mo naman, hindi rin fair ‘yung iba kung paano lumaban sa industriya. Pero basta alam mong wala kang inapakan at saka, ‘yun na nga, meron ka pa ring nai-inspire na tao, go-go ako. May purpose pa ako,” pahayag pa ni Jolens.

Jolina inaatake ng anxiety: May times na nasusungitan ko ang mga bata pati si Mark

Jolina kay Mark: Habangbuhay kaming magpapasalamat kay Papa Jesus at ikaw ang haligi ng ating tahanan

Dimples hiyang-hiya kina Angel at Bea sa pa-surprise na baby shower para sa kanyang 3rd baby: Kasi gumagastos talaga sila

 

Read more...