Pilipinas kampeon sa HK Memory Championship


WINALIS ng Pilipinas ang unang tatlong puwesto sa individual competition para makopo ang overall championship ng 1st Hong Kong Open Memory Championship na ginanap nitong Sabado at Linggo sa True Light Girls College sa Kowloon, Hong Kong.

Nakuha ni Mark Anthony Castaneda, ang kauna-unahang Grandmaster of Memory (GMM) ng bansa, ang unang puwesto sa iskor na 5,239 puntos para maungusan ang kakamping si GMM Erwin Balines na may 5,212 puntos.

Nagtapos naman sa pangatlong puwesto si Randall Abrina na may 4,747 points.Sa kabuuan, ang Team Philippines, na pinadala rito ng AVESCO, ay tumapos na may 15,198 puntos para biguin ang Mongolia na may 14,369 puntos.

Pumangatlo ang host Hong Kong na may 10,601 puntos.Naiuwi ng mga Pinoy ang HK$10,000 premyo para sa team competition.
Samantala, nagwagi naman ang 12-anyos na si Jamyla Lambunao sa Kids division.

Si Lambunao, na grade 7 student ng St. Scholastica’s Academy Marikina, ang silver medalist ng World Memory Championship noong isang taon.

“Madugo ang competition dito sa Hong Kong. Hindi namin inakala na ganito kalakas ang Mongolia lalo na sa Juniors division,” sabi ni Roberto Racasa, ang coach at head of delegation ng AVESCO-Philippine team.

“Ngayon paghahandaan naman namin ang World Memory Championship sa London na gaganapin sa Nobyembre.”
Ang iba pang miyembro ng AVESCO-Philippine team na inorganisa ng Philippine Mind Sports Association ay sina Kian Christopher Aquino, Abbygale Monderin, Bryan Robert Yee, Anne Bernadette Bonita, Axylancy Cowan Tabernilla, Ydda Graceille Mae Habab at Rhojani Joy Nasiad.

Ang koponan ay sinuportahan din ng Dreamhauz Management & Development Corporation at nina Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos at Senador Sonny Angara.

Sumali rin dito ang mga memory athletes mula Canada, Vietnam, Singapore, Malaysia, Indonesia, China, India at Japan.

( Photo credit to Fred Nasiad )

Read more...