Pambato ng Batangas sa national pageants hahanapin

Tinipon sa unang edisyon ng Mister and Miss Batangas pageant ang 23 sa pinakapalabang ginoo at dilag ng lalawigan./ARMIN P. ADINA

Tinipon sa unang edisyon ng Mister and Miss Batangas pageant ang 23 sa pinakapalabang ginoo at dilag ng lalawigan./ARMIN P. ADINA

IPINAGMALAKI ng mga Pilipinang nagreyna kamakailan sa malalaking international pageants ang kani-kanilang pinagmulan.

Marami sa kanila mga dating alaga ng Batangueñong si Arnold Mercado, na tumulong na makamit ang tagumpay nina 2013 Miss World Megan Young, 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach, at 2016 Miss International Kylie Verzosa. Ngunit wala sa kanila ang nagmula sa lalawigan niya.

“Si Megan taga-Olongapo, si Pia taga-Cagayan de Oro, si Kylie naman Baguio. Sinabi ko bakit walang taga-Batangas? Eh andaming magaganda dito,” sinabi ni Mercado sa press presentation ng mga kalahok sa unang edisyon ng Mister and Miss Batangas pageant sa activity center ng SM Center Lemery sa Batangas noong Okt. 15.

Dati siyang bahagi ng Aces and Queens pageant camp, na naghahanap at nagsasanay sa mga dilag, at inilalaban sila sa iba’t ibang national competitions, sa pag-asang magkakaroon na ng malakas na panlaban ang Pilipinas na maaring makapag-uwi ng international crowns.

At sa tulong niya at ng camp, naibigay ni Young sa Pilipinas ang una nitong panalo sa Miss World, naputol ni Wurtzbach ang 42-taong tagtuyot ng bansa sa titulong Miss Universe, at si Verzosa ang naging ika-anim na Pilipinang Miss International winner.

Kasama ni Mister and Miss Batangas head Arnold Mercado (gitna) sina Liana Rose Barrido mula sa Batangas City (kaliwa) at Jobert Macayanan mula sa Tanauan City, na nakatanggap ng pinakamaraming boto para sa ‘Media’s Choice’ award./ARMIN P. ADINA

Ngunit sa kabila ng nakamit ng camp, may inaasam-asam pa rin si Mercado. Nais niyang magkaroon ng isang Batangueña na makapagbibigay din ng karangalan sa bansa sa isang major international beauty pageant. At ito, aniya, ang naghimok sa kanyang tanggapin ang pamumuno ng Mister and Miss Batangas organization, at halughugin ang buong lalawigan para sa mga palabang dilag at binata.

Ibinigay ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas ang suporta niya para sa patimpalak, na umani rin ng pag-eendorso nina Wurtzbach, Verzosa, at Miss Universe Philippines National Director Shamcey Supsup-Lee, na dating alaga ni Mercado sa Aces and Queens at naging third runner-up sa 2011 Miss Universe pageant sa Brazil.

Natipon ng patimpalak ang 23 sa mga pinakamahuhusay na ginoo at dilag ng lalawigan, mula sa iba’t ibang pinanggalingan at larangan, at buong pagmamalaking ibinabandera ang kani-kanilang mga bayan at lungsod.

Itatanghal ang 2022 Mister and Miss Batangas coronation night sa Claro M. Recto Events Center sa Lipa City sa Dis. 10.

Read more...