Loisa napaiyak sa presscon nang mapag-usapan ang kamatayan; Ronnie siguradong sa langit daw mapupunta

Loisa napaiyak sa presscon nang mapag-usapan ang kamatayan; Ronnie siguradong sa langit daw mapupunta

Loisa Andalio

NAPAIYAK ang Kapamilya actress na si Loisa Andalio nang sagutin ang tanong sa kanya na may kinalaman sa “kamatayan.”

Sa finale presscon ng teleseryeng “Love in 40 Days” ng ABS-CBN na pinagbibidahan ni Loisa at ng boyfriend niyang si Ronnie Alonte, naitanong kung ano ang pananaw nila sa kamatayan.

Sa pagtatapos ng nasabing serye kung saan gumaganap na multong hindi matahimik ang kaluluwa si Loisa, sinagot niya kung natatakot ba siyang mamatay at saan sa tingin siya mapupunta — sa langit o sa impiyerno?

Inamin ng dalaga na may pagkakataon na parang gusto na raw niyang mawala sa mundo dahil sa mga pinagdaanang pagsubok sa buhay.


“Ako, hindi rin po ako takot mamatay kasi dumaan na rin ako sa point na gusto ko na ring (mamatay). Dumating ako sa point na ‘di ko na kaya, na parang okay lang na wala ako kasi ang hirap,” ang lumuluhang pahayag ng aktres.

“Pero nu’ng na-realize ko na baka tinatapik lang ako ni Lord, baka nawawala ka na sa landas mo, dun ako nabuhayan na hindi pala ako dapat manghihina dahil sa ibang tao,” pagpapatuloy pa ni Loisa.

Naniniwala rin siya na hindi pa ipinapanganak ang isang tao ay nakatakda na talaga ang magiging buhay nito at kung hanggang kailan lang siya sa mundo.

“’Yung mga nangyari pala sa akin, alam na ni Lord ‘yan bago pa mangyari. Ang importante saan ka bang pupuntang way.

“Naniniwala po ako na malaki o maliit na kasalanan, sa mata ng Diyos, iisa lang ‘yan. Once na tinanggap mo si Lord sa buhay mo, sigurado sa heaven ka mapupunta,” pahayag pa ng dalaga.

Samantala para naman kay Ronnie, “Hindi po ako takot mamatay. Handa po ako kung kailan man ‘yan dumating. Masaya po ako kasi tanggap ko na anytime pwede akong mawala at sa langit ako mapupunta.”

Tutukan ang nalalapit na pagtatapos ng “Love In 40 Days” mula sa Dreamscape Entertainment. Kasama rin sa serye sina Lotlot de Leon, Leo Martinez, Janice de Belen, Ana Abad Santos, Ahron Villena, Maria Isabel Lopez, Renshi De Guzman, Trina Legaspi, Raven Molina, Chie Filomeno, Benedix Ramos, Vaughn Piczon, Kobie Brown, Andi Abaya at Zabel Lamberth.

“Love In 40 Days” is available on Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z Channel 11, iWantTFC, and TFC.

Loisa Andalio sumusumpang walang ipinaretoke sa mukha’t katawan: ‘Your body, your rules… Ayun lang po’

Loisa Andalio muntik nang layasan ang showbiz: Pasuko na ako, feeling ko wala nang nagmamahal sa akin

Promise ni Ronnie: Wala na akong ibang hahanapin pa at wala akong balak pakawalan si Loisa!

Read more...