Joross Gamboa: Mahirap maging magulang pero sa pagpapalaki ng anak, kailangang magkakampi ang ama’t ina
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Joross Gamboa kasama ang pamilya
NAPAKAHIRAP pala talagang maging magulang. Yan ang napatunayan ng Kapamilya actor na si Joross Gamboa ngayong may sarili na rin siyang pamilya.
Natutuwa nga siya dahil ibang-iba na raw kapag nakakausap niya ang mga kaibigan niya sa showbiz na may mga asawa’t anak na rin, talagang puro tungkol sa kanilang family ang lagi nilang topic.Tulad na lang kapag nasa taping sila ng kanyang leading lady na si Roxanne Guinoo sa matagumpay nilang iWantTFC original series na “Hoy, Love You” na nasa third season na ngayon.
Kuwento ni Joross sa ginanap na presscon ng kanilang online show kamakailan, may mga pagkakataon na nagse-share sila ni Roxanne ng mga kuwento about their respective families.
“Oo, napag-uusapan naman yun normally. Lalo na sa mga eksena namin kasi minsan meron sa eksena mismo sa set, du’n lang din niyo maiisip, eh.
“So collaborative ideas talaga, pinagsa-sama sama. May nabubuo pa sa set namin. And ang nakakatuwa dun yung mga writers namin nandun din sa set. So alam nila yung feel, yung atmosphere dun,” pahayag ng aktor.
Sa kuwento ng “Hoy, Love You”, magiging magulang na rin ang mga karakter nila bilang sina Jules at Marge kaya natanong si Joross kung kumusta siya bilang tatay ng mga anak niyang sina John Kody at Jace Kyler.
“Totoong mahirap (maging magulang). Nu’ng first time mag-face-to-face class ng anak ko, nanonood lang kami sa bintana. Nagpi-picture, nagbi-video.
“Napag-uusapan naman yun ng mag-asawa. Sa pagpapalaki ng mga bata, kailangan diyan magkakampi ang ama at ina. So dapat in agreement kayo kung ano yung bawal.
“Hindi naman kailangan i-deprive sila sa mga bagay. Meron lang limit sa lahat ng bagay.
“And as long as mabigyan mo ng magandang foundation ang inyong mga anak, lalo na ilapit mo sa Diyos, ay hindi ka na masyadong magwo-worry dito sa mundong ito,” paliwanag ni Joross.
Samantala, tungkol naman sa pinakamahirap na eksena niya sa “Hoy, Love You”, ito raw yung kapag kailangan niyang pagsabayin ang pagpapatawa at pagdadrama.
“Yung dramatic moments. After kasi nu’ng iyakan, may comedy bigla na pasigaw tapos dun ako napaos. Simula nu’n puro salabat na yung pinapainom sa akin.
“Actually hindi siya mahirap, more of yung timing kung kailan ka magpapatawa at kailan ka magseseryoso, yun yung challenge du’n.
“Sa amin naman lahat ganu’n yung mga moments namin. Hindi mo alam kung nagpapatawa or nakakatawa lang talaga kasi yung sitwasyon pero seryoso yung pagkaka-deliver namin. So yun yung challenge sa lahat. Pero ngayon parang linalaro na namin lahat yung mga eksena kaya mas fun,” paliwanag pa ni Joross.
At kung bakit tumagal nang tumagal ang kanilang digital series, “Collaboration lang sa set. Kasi hindi magwo-work yung comedy kung mag-isa ka lang at walang receiver, walang tagasalo. Kailangan tulungan, pasahan.”
Ang “Hoy, Love You” ay sa direksyon ni Theodore Boborol at napapanood sa iWantTFC app (iOS and Android). Kasama rin dito sina Carmi Martin, Dominic Ochoa, Karina Bautista, Aljon Mendoza, Yamyam Gucong, Keanna Reeves at marami pang iba.