2 Pinay singer sa US may panawagan kay Ivy Violan: Gusto lang naming magkaroon ng sariling kanta…

Rozz Daniels at Irelyn Arana

NAGLABAS ng sama ng loob ang mga US-based Filipina singer na sina Rozz Daniels at Irelyn Arana sa veteran OPM artist na si Ivy Violan.

Humarap sa ilang members ng media (via zoom) ang dalawa kamakailan para ipaalam ang mga hindi kahandahang nangyari sa pagitan nila at ni Ivy Violan.

Magkasamang nagpe-perform sina Rozz (mula sa Wisconsin at tinaguriang Soft Rock Diva ng US) at Irelyn (nakabase sa Chicago) sa isang KUMU show, ang “The Rocks and Rozz Show.”

Ayon sa dalawa, nakilala nila si Ivy sa pamamagitan ng isang common friend. Nang magkausap-usap daw sila, nangako raw ang veteran singer na gagawan sila ng kanta at ipapa-release umano sa Viva Records.

“Nagawan ako ng seven songs ni Ivy, nagbayad ako sa kanya ng $1,000 per song plus $215 sa arrangement sa bawat kanta,” pagbabahagi ni Rozz.

Pero isang taon na raw ang nakalipas ay hindi pa rin nairi-release ang mga kanta niya, “Sabi niya, napasok na niya sa Viva Records. I know Viva, it’s a big recording company. July, 2021 ko natapos ang kantang ‘Alay Sa ‘Yo’ and up to now, hindi pa rin nari-release.”

Kuwento naman ni Irelyn, nagbayad siya kay Ivy ng $2,000.00 para sa dalawang kanta, “Gusto ko lang magkaroon ng isang kanta lang na matatawag kong akin.

“So, pumayag ako sa ano niya. Sabi niya, kasama doon ang promotion, and it’s gonna be through Viva Records. Kasama ang promotion, tapos sila ang mag-e-air ng kanta.

“Kilala ko siya, si Ivy Violan, icon. So, I never thought na mangyayari ang ganito,” sabi pa ni Irelyn.

Ang usapan daw nila ay noong August, 2021 iri-release ang mga ini-record nilang kanta pero hanggang ngayon ay waley pa rin.

Itinatanggi umano ni Ivy na may natanggap siyang pera mula kina Rozz at Irelyn pero ayon sa dalawang singer may mga ebidensya sila sa kanilang transaksyon.

Sey nina Rozz at Irelyn, nais lamang nilang maibalik ang bahagi ng ginastos nila sa pagre-recording pati na ang rights ng ginawa nilang mga kanta.

Dagdag pa ng mga Pinay singer sa US, nais lamang daw talaga nilang ibahagi sa mga Filipino community sa iba’t ibang bansa ang kanilang talento sa pag-awit kaya sana raw ay mabigyan sila ng pagkakataong makaawit at makapag-perform.

Umaasa sila na maaayos din ang problema nila kay Ivy at maipagpapatuloy ang pangarap nilang mai-release na ang ini-record nilang mga kanta.

Nagpadala na kami ng mensahe kay Ms. Ivy Violan sa pamamagitan ng direct message sa kanyang social media accounts para makuha ang kanyang panig sa isyung ito ngunit habang sinusulat namin ang artikulong ito ay hindi pa siya sumasagot.

Bukas ang BANDERA sa magiging paliwanag ni Ivy Violan.

https://bandera.inquirer.net/313615/skusta-clee-malalim-ang-hugot-sa-kumpisal-nila-ni-gloc-9-dito-na-ako-hihingi-ng-tawad

https://bandera.inquirer.net/324741/neri-miranda-kinilabutan-sa-paggawa-ng-kanta-ni-moira-at-ogie-mga-henyo

https://bandera.inquirer.net/291511/regine-biktima-rin-ng-pambu-bully-chaka-raw-at-hindi-sisikat

https://bandera.inquirer.net/315861/skusta-clee-basag-na-basag-sa-fans-ni-zeinab-harake-matapos-mag-tweet-ng-kung-kailan-ka-nawala-saka-ako-pinagpala

Read more...