DALAWANG ginang mula sa Filipino community sa iba’t ibang panig ng mundo ang nakasungkit ng mga bigating titulo sa 2022 Mrs. Tourism pageant na itinanghal sa Montien Riverside Hotel Bangkok sa Thailand noong Oktubre 2.
Kinoronahan si Jacqueline Jensen Mochinaga mula Japan bilang Mrs. Tourism-The Queen Mother, habang ang kapwa Filipinang si Maria Victoria Landry mula sa Estados Unidos naman ang hinirang na Mrs. Tourism International. Itinanghal din ang naunang ginang bilang “Most Friendly Mother” sa coronation night.
Samantala, tinanggap naman ng host delegate na si Angkanang Shakira Bumrumsorn ang titulong Mrs. Tourism Universe, na napanalunan ng Pilipinang si Hemilyn Escudero-Tamayo sa virtual edition ng patimpalak noong nagdaang taon. Tinanggap din ng reynang Thai ang Best in National Costume award sa finals, at nakuha ang pinakamaraming boto para sa pagpili sa “Darling of the Press” sa isang naunang pagtitipon.
Kinoronahan bilang Mrs. Tourism World si Kristi Wischnack mula sa Estados Unidos na ginawaran din ng “Mrs. Tourism Goodwill” award. Hinirang bilang Mrs. Tourism Globe si Harshala Yogsh Tamboli mula India, na tinanggap din ang “Best Tourism Video” award, habang Mrs. Tourism Earth naman si Coco Blake mula sa San Diego.
Tumanggap din ng mga pagkilala ang kinatawan ng Pilipinas na si Cyren Bales. Hinirang siyang Mrs. Tourism Ambassador for Arts and Culture at ginawaran ng mga parangal bilang “Most Photogenic Mother” at “Best in Talent.”
Ilan pang mga ambassador ang kinilala kasama ni Bales—sina Mrs. Tourism Ambassador for Peace Sweet Beconia Lyndoh Tron mula East India, Mrs. Tourism Ambassador for Education Wasana Lakmali mula Sri Lanka, Mrs. Tourism Ambassador for Health and Fitness Donna Marie Fields mula Jamaica, at Mrs. Tourism Ambassador for Humanity Shiksha Gallow mula South Africa.
Hinirang namang Mrs. Tourism Charity Queen si Maricar Duncan mula sa pamayanang Pilipino sa Dubai, United Arab Emirates.
Ang Manila-based organizer na Megastar Productions ang nagsasagawa ng taunang Mrs. Tourism pageant. Nasa ika-limang edisyon na ito ngayong taon.