Ruru Madrid hindi in-expect na magiging 2022 Most Watched Series ang ‘Lolong’, season finale may bonggang pasabog

Ruru Madrid

NGAYONG Biyernes na, September 30, haharapin na ni Ruru Madrid ang kanyang pinakamatinding laban sa season finale ng most watched Philippine television series ngayong 2022, ang “Lolong.”

Dambuhalang presensya nga sa primetime ang ipinaramdam ng nasabing serye mula sa GMA Public Affairs.

Simula noong pilot airing, laging double-digit ang ratings nito gabi-gabi at nakapagtala pa ng mahigit 13 milyong TV viewers kada episode. Kinilala rin ang “Lolong” bilang “Best Primetime Serye” sa Gawad Pilipino Icon of the Year 2022.


Ngunit higit pa sa mga numerong ito ang naging tatak ng hit adventure-serye.

Naging inspirasyon si Lolong sa mga manonood – bata man o matanda – na balikan ang kanilang mga pinahahalagahan sa buhay–hindi lang tungkol sa pagmamahal sa pamilya at mga kaibigan kundi pati na rin sa pagpapataas ng kamalayan sa pangangalaga sa kapaligiran at pagprotekta sa mga hayop.

“As actors, our goal is to entertain people. But this project has also allowed us to give  inspiration and lessons to the public,” ani Ruru.

“Hindi po namin in-expect na ganito ninyo mamahalin ang aming programa. Gusto namin suklian iyon.

“Sa aming season finale week, nawa’y patuloy ninyong suportahan ang Lolong. Abangan ninyo ang mga kapana-panabik na mga tagpo,” pahayag ng Kapuso Action-Drama Prince.

Bida rin sa “Lolong” ang powerhouse cast na kinabibilangan nina Shaira Diaz, Arra San Agustin, Christopher de Leon, Jean Garcia, Malou de Guzman, Rochelle Pangilinan, Paul Salas, Ian de Leon, Maui Taylor, Marco Alcaraz, Mikoy Morales, at Alma Concepcion.

Pinuri rin ni Ruru ang kanyang mga co-actor na nagsikap sa kanilang mga karakter, pati na rin ang mga taong nasa likod ng camera.

“Hindi siya magiging successful kung hindi dahil sa inyo. Sobrang thankful ako sa inyo,” sey ng hunk actor.

Habang papalapit na ang season finale ng “Lolong,” mas maraming mga eksenang puno ng aksyon ang dapat abangan ng viewers.

Sa pamamagitan ng dugo ni Dakila na tinuturing na Punong Buwaya, magkakaroon si Armando (Christopher) ng lakas at kapangyarihang kanyang hinahangad. Ngunit bilang kapalit, siya ay magiging kakaibang nilalang — kalahating tao at kalahating buwaya.

Mababalot ng dilim ang bayan ng Tumahan. Alam ng mga residente na kailangan nila ng isang bayani. Ngunit matagal na nilang tinalikuran si Lolong at ang kanyang mga kaibigan, na nagsisikap na iligtas sila sa masasamang kamay ng mga Banson na pinamumunuan nina Armando at Dona (Jean).

Dahil sa pagnanais niyang gawin ang mabuti at dahil na rin sa kanyang mga kaibigan at mahal sa buhay, matutuklasan na rin ni Lolong ang tunay na kahulugan ng pagiging bayani.

Sa tulong ng ibang mga buwaya at kapangyarihang taglay niya bilang isang Atubaw, haharapin ni Lolong si Armando. At sa pagkakataong ito, hindi siya nag-iisa.

Magkakaroon siya ng suporta ng mga tao at ng iba pang mga Atubaw.

Sa kanyang pinakamalaking laban, paano wawakasan ni Lolong ang masasamang puwersang namumuno sa kanilang bayan?

Ang “Lolong” ay sa direksyon nina Rommel Penesa at Conrado Peru.

Saksihan ang paghaharap ng mga Atubaw at ng mga Banson sa season finale ng “Lolong” ngayong Biyernes, 8 p.m. pagkatapos ng “24 Oras” at 9:40 p.m. naman sa GTV. Mapapanood din ito ng mga Kapuso abroad via GMA Pinoy TV.

https://bandera.inquirer.net/316466/ruru-madrid-emosyonal-sa-presscon-ng-lolong-muntik-nang-sumuko-napilay-ako-napako-lahat-po-pinagdaanan-namin-dito
https://bandera.inquirer.net/324993/christopher-de-leon-ruru-madrid-ilang-beses-nagkasakitan-sa-taping-ng-lolong-fight-scenes-nagiging-totohanan

https://bandera.inquirer.net/306139/ruru-madrid-hindi-nagpa-double-sa-lolong-lahat-ng-buwis-buhay-stunts-ako-ang-gumawa
https://bandera.inquirer.net/317399/ruru-madrid-buwis-buhay-ang-mga-eksena-sa-lolong-ang-dami-kong-isinakripisyo-rito-ilang-beses-akong-naaksidente

Read more...