MANILA, Philippines—Magbabalik ngayong taon ang Philippine Pageant Ball, isang gabing nagbubunyi sa mga nakamit ng bansa sa mundo ng pageantry.
At hindi lamang mga Filipinong nagwagi ang titipunin, kundi maging titleholders din mula sa iba’t ibang bansa.
Inanunsyo ng organizer na Prime Event Productions Philippines (PEPPS) Foundation Inc. na isasagawa ang event ngayong 2022 sa Manila Hotel sa Okt. 7, at “old Hollywood glamour” pa ang magiging tema.
Sinabi ni PEPPS Director for Licensing and Expansion Aski Pascual sa Inquirer sa isang online interview, “the event will gather Philippine pageantry’s luminaries in one exceptional venue. Kings and queens from Asia and other parts of the world will grace this extraordinary event.”
Noong 2017 unang isinagawa ang Philippine Pageant Ball, sa One Esplanade sa SM Mall of Asia Complex sa Pasay City. Nagtipon doon ang titleholders mula sa iba’t ibang national pageant organizations para sa mga lalaki at babae.
Ngunit may dagdag na masasaksihan ang mga panauhin sa ball ngayong taon. Ipakikilala ang 35 kalahok ng 2022 Misters of Filipinas pageant sa isang espesyal na bahagi ng programa.
“This will not be your usual press presentation. It will be called the ‘red carpet presentation,’” ibinahagi ni Pascual.
Isa lang ang Philippine Pageant Ball sa mga dadaluhan ng mga kandidato ng 2022 Misters of Filipinas pageant. Nilabas na ng PEPPS ang iskedyul ng patimpalak ngayong taon, simula sa “Fitness Challenge” sa Set. 30.
Sa Okt. 1, itatanghal ang Misters of Filipinas “Festival Kings” sa Tanghalang Pasigueño sa Pasig City. Sinabi ni PEPPS President Carlo Morris Galang sa Inquirer na “level up” ito ng karaniwang national costume competition sa pageants sa Pilipinas. Sa halip na pagrampa ng mgakalahok sa kani-kanilang baro at gayak, magtatagisan ang mga delegasyon mula sa mga lungsod, bayan, o lalawigan, kasama ang kanilang mga kinatawan sa patimpalak.
Sasabak naman sa “Swimwear Competition” ang 35 kandidato sa Camp Benjamin sa Alfonso, Cavite, sa Okt. 10. At sa Okt. 13, isasagawa ang mahalagang “Preliminary Competition” sa Winford Manila Hotel and Casino.
Itatanghal ang “Grand Coronation Night” ng 2022 Misters of Filipinas pageant sa Newport Performing Arts Theater ng Newport World Resorts sa Pasay City sa Okt. 16.