Bagong kandidata pasok sa Top 12 ng AFDQ 2022

AFDQ 2022 has a new set of Top 12 finalists after the withdrawal of a candidate./ALIWAN FIESTA PHOTO

AFDQ 2022 has a new set of Top 12 finalists after the withdrawal of a candidate./ALIWAN FIESTA PHOTO

MAHIGIT isang linggo pa lang ang nakararaan mula nang ipakilala ang Top 12 finalists para sa Aliwan Fiesta Digital Queen (AFDQ) ngayong taon, inanunsyo ng organizer na Manila Broadcasting Co. (MBC) ang isang bagong kandidata, kapalit ng isang umatras sa patimpalak.

Sinabi ni MBC PR consultant Susan Isorena-Arcega sa Inquirer sa isang online interview, “Raven Doctor of Palawan has withdrawn. She will be replaced by Jeaven Musni of Bacolod.”

Lumabas na rin sa opisyal na Aliwan Fiesta Facebook page ang pagpasok ni Musni bilang Top 12 finalist, at kabilang na rin ang pangalan at larawan niya sa isang bagong composite image ng mga kandidata.

Ibinahagi rin ni Arcega sa Inquirer ang kalendaryo ng virtual contest, inisa-isa ang mga yugto ng patimpalak pagkatapos maipalabas ang three-episode primer na “Journey to the Crown” na nagsimula noong Set. 17.

Limang magkakasunod na Sabadong mapapanood ang mga yugto ng kumpetisyon, simula sa “Pride of Place” sa Okt. 8, kasunod ang Talent Competition sa Okt. 15.

Mapapanood ang “Queens for a Cause” sa Okt. 22, habang sa Okt. 29 naman ang Evening Gown Competition at Question-and-Answer segment.

Sa Nob. 8 nakatakda ang final competition, kung saan hihirangin ang bagong Aliwan Fiesta Digital Queen. Virtual ang magiging pagsasalin ni Shanyl Kayle Hofer ng titulo niya sa kaniyang tagapagmana.

Tatanggap ang bagong reyna ng P50,000, at katumbas na halaga para sa mapipili niyang charity program. Bibigyan din siya ng libreng bakasyon para sa dalawang tao sa Feliz Hotel Boracay, kasama na ang pamasahe at pocket money. Hahandugan din siya ng mga regalo ng mgo sponsor ng patimpalak.

Panoorin ang ikatlo at huling episode ng “Journey to the Crown” sa Okt. 1, tampok ang beauty queenmaker na si Rodgil Flores.

Mapapanood ang mga episode ng primer, at lahat ng yugto ng patimpalak kasama ang finals, sa digital platforms ng lahat ng himpilan ng MBC, at sa opisyal na Aliwan Fiesta Facebook page. May delayed telecast naman sa DZRH TV.

Read more...