Manhunt International muling itatanghal sa Pilipinas

Manhunt International

Kasama ni reigning Manhunt International Paul Luzineau (naka-suit) ang mga kalahok sa 2022 Manhunt International Male Supermodel sa poolside ng Okada Manila sa Parañaque City./ARMIN P. ADINA

 

MAKARAANG itanghal ang ika-20 edisyon ng Manhunt International noong 2020, host na naman ang Pilipinas ng 29-taong-gulang international male model competition para sa pagbabalik nito mula nang magkapandemya.

Itinanghal ang ika-20 edisyon ng Manhunt International competition sa new Frontier Theater sa Araneta City sa Quezon City noong Pebrero 2020, bago ginulantang ang mundo ng isang pandaigdigang krisis pangkalusugan.

Si Paul Luzineau ng Netherlands ang nakasungkit sa titulo nang taong iyon, dinaig ang 35 iba pang kalahok upang maging ika-siyam na Europeong hinirang bilang Manhunt International. Nagbalik na rin siya sa Pilipinas ilang buwan na ang nakararaan upang tumanggap ng mga proyekto sa pagmomodelo, na bahagi rin ng premyo niya.

At ngayon, nagsipagdatingan na ang mahigit 30 kalahok mula sa iba’t ibang bansa, lahat naghahangad na maipasa sa kanila ni Luzineau ang titulo bilang Manhunt International. Ipinakilala na sila sa ilang kawani ng midya sa poolside ng Okada Manila sa Parañaque City ngayong Set. 26.

Anak ng Pinay supermodel na si Marina Benipayo ang pambato ng Pilipinas na si Joshua De Seguera./ARMIN P. ADINA

Ito na ang ikatlong pagkakataon na Pilipinas ang host ng international contest. Una itong ginawa sa bansa noong 1999, ang ika-anim na edisyon. Maituturing din na back-to-back ang hosting ng Pilipinas ngayon sapagkat walang idinaos na patimpalak noong 2021 dahil sa pandemya, at dito isinagawa ang ika-20 at ika-21 edisyon ng Manhunt International.

Si June Macasaet ang unang Pilipino, at sa ngayon ay nag-iisa, na nagwagi bilang Manhunt International. Nasungkit niya ang titulo sa ika-16 edisyon ng patimpalak na itinanghal sa Bangkok, Thailand, noong 2012. Siya rin ang nagkaroon ng pinakamahabang reign sapagkat walang isinagawang contest mula 2013 hanggang 2015. Muling nagbalik ang Manhunt International noong 2016 upang itanghal ang ika-17 nitong edisyon sa Shenzhen, China.

Ngayong taon, si Joshua De Sequera ang kinatawan ng Pilipinas. Anak siya ng Pinay supermodel at beauty queen na si Marina Benipayo.

Siya na kaya ang magiging pangalawang Pilipinong makasusungkit sa titulo? Alamin sa grand finals ng Manhunt International Male Supermodel 2022 na itatanghal sa grand ballroom ng Okada Manila sa Okt. 1.

 

 

Read more...