Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
4 p.m. La Salle vs UST
MAGLALARO sa ikalawang sunod na taon ang University of Santo Tomas sa UAAP Finals nang kalusin ang National University, 76-69, sa knockout game ng Final Four kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hindi nasayang ang libu-libong panatiko ng Growling Tigers na sinuportahan ang koponan nang lumabas ang talim ng paglalaro matapos makitang lumamang na ng apat ang Bulldogs para wakasan ang semifinals bitbit ang 2-0 panalo.
Ito ang unang pagkakataon na ang number four ranked team sa Final Four ay umabante sa Finals. Makakalaro ng UST ang De La Salle University sa best-of-three championship series na magsisimula sa Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
“Marami ang nagduda sa kakayahan kong mag-coach kaya hindi ko inakala na aabot pa kami rito,” wika ng umiiyak na si Tigers coach Alfredo Jarencio na agad na lumabas ng press room dahil hindi mapigil ang nararamdamang emosyon.
Sa first half pa lamang ay lumayo agad ang Tigers ng hanggang 11 puntos pero nalagay sa foul trouble si Karim Abdul at ito ang ginamit ng Bulldogs para makabangon sa laban.
Ang tres ni Jeoffrey Javillonar ang nagbigay ng pinakamalaking kalamangan sa laro ng NU sa 56-52 habang ang tres ni Robin Rono ay naglagay sa koponan sa 59-57 sa huling 6:05 ng labanan.
Ngunit hindi kinabahan bagkus ay umatungal ng pagkalakas-lakas ang Tigers at ito ay kinatampukan ng tres ni Kevin Ferrer na nagpasiklab sa 8-0 bomba para ilayo ang UST sa 70-61, wala ng isang minuto sa labanan.
“‘Yung first game, sobrang aggressive namin. Sa game na ito, ang crowd ang nagpa-hyper sa amin,” wika ni Ferrer na gumawa ng 18 puntos.
Si Jeric Teng na nasa huling taon ng paglalaro ay may nangungunang 19 puntos upang magkaroon pa ng pagkakataon na makatikim ng UAAP title.
Lumabas naman ang kakulangan ng karanasan sa pressure game ng Bulldogs nang magkalat sila sa opensa sa panahong nabawi ng Tigers ang kalamangan.