ENRIQUE natatakot makipaghalikan kay JULIA

SA kabila ng ginagawa niyang pagpapaseksi sa kanyang mga pictorial at sa ilang fashion shows, alam n’yo ba na hindi pa pala handa si Enrique Gil na makipaghalikan sa teleserye man o sa pelikula?

Sa thanksgiving presscon na ibinigay ng Dreamscape Entertainment kay Enrique at sa dalawa pang bida sa seryeng Muling Buksan Ang Puso na sina Julia Montes at Enchong Dee, diretsong sinabi ni Enrique na hangga’t maaari ay ayaw muna niyang magkaroon ng kissing scene sa anumang proyektong ginagawa niya.

Kahit nga raw sa leading lady niya sa Muling Buksan Ang Puso na si Julia ay nahihiya pa siyang makipaghalikan.
“Siguro sa ngayon hindi pa, hindi pa talaga. Hindi pa ako ready.

Pag dumating na ‘yung araw na kailangan na kailangan ‘yun, magiging ready po ako. Huwag kayong mag-alala! Ha-hahaha!” sey ni Enrique.

Hindi naman daw sa nag-iinarte siya, pero feeling kasi niya kung gagawin niya ito ngayon, parang hindi magiging bukal sa loob niya, ayaw daw naman niyang lumabas na pilit ang pakikipaghalikan niya sa magiging partner niya.

Samantala, puro papuri naman ang ibinigay ng binata kay Julia bilang katrabaho at kaibigan, “Pagdating sa teleserye iba talaga ‘yung connection, mas intimate kesa sa movie.

Maganda nga pag teleserye kasi mas mahaba ‘yung time na magkasama kayo, halos three times a week or four times a week na magkasama so mas naging close talaga kami.”

Kahit daw sila ni Enchong, mas lumalim pa ang kanilang friendship at napakalaki ng paghanga niya rito dahil sa pagiging magaling na aktor. Inamin din ni Enrique na kinakabahan pa rin siya kapag kaeksena si Enchong, lalo na sa madadramang tagpo.

At sa nalalapit na pagtatapos ng Muling Buksan Ang Puso sa Primetime Bida ng ABS-CBN, kung saan gumaganap nga si Enrique bilang si Francis dela Vega, siyempre lahat daw sila ay nalulungkot na, pero mas lamang pa rin daw ang kaligayahan dahil sa napakagandang resulta ng kanilang pinaghihirapan.

Ayon pa kay Enrique, talagang ibinigay niya ang best niya sa nasabing serye at natutuwa siya sa magagandang feedback sa kanyang akting.

“When I work on a project, I get excited in a sense na dapat maganda ‘yung show, ‘yung mga eksena ko dapat okay lahat. ‘Yung nasa isip ko kung anong gagawin ko, kung magustuhan ng tao eh di okay.

Kung hindi, dapat matuto ka at gawin mo ulit. “So ‘yun lang ang nasa isip ko dapat. Sa bawat project ko, gusto ko makuha ulit ‘yung tao. Gusto ko sumama sila sa story namin.

Kasi ang nangyayari dati sa Princess and I, kung ano ‘yung gagawin namin, kasali sila sa story namin kaya na-in love sila sa show na ‘yun.

So gusto ko ‘yung mga tao kumapit sila sa story, kasami sila sa story namin, so ‘yun talaga ‘yung goal namin dito sa show,” hirit pa ng binata.

Sa lahat naman ng mga veteran stars na nakatrabaho ni Enrique, partikular dito sa Muling Buksan Ang Puso, sobrang na-impress talaga siya kay Ms. Susan Roces na gumaganap ngang lola niya sa serye, “Actually nagulat ako kay tita Susan nu’ng nakaeksena namin.

Lahat nakikita niya. Ang galing. Na-o-observe niya lahat and those were the little things na nakakalimutan mo na importante sa eksena, sinasabi niya.”

Walang girlfriend ngayon ang aktor at hindi rin daw siya naghahanap, mas enjoy siya ngayon sa pagiging single.

( Photo credit to Google )

Read more...