TRENDING at hot topic ngayon sa social media ang isang miyembro ng legendary OPM band na Eraserhead matapos ang announcement ng kanilang reunion concert.
Maraming natuwa nang bumandera ang balita na tuloy na tuloy na ang pinakaaabangang concert ng grupo makalipas ang ilang taon pero kasabay nito ay may mga umalma ring netizens tungkol dito.
Ang tinutukoy namin ay ang miyembro ng Eraserheads na si Marcus Adoro na nasangkot noon sa iba’t ibang kontrobersiya partikular na ang reklamo laban sa kanya ng dating partner at indie actress na si Barbara Ruaro.
Bukod pa rito ang mga alegasyon ng kanyang anak na syd hartha na isa ring singer-songwriter.
Sa Facebook post ng isang netizen na si Geloy Maligaya Concepcion, binuhay nito ang mga isyung kinasangkutan noon ni Marcus.
“Fan din ako ng mga kanta nila, super, sa totoo lang, kaso di ba may kaso ng pang aabuso ng babae at sariling anak niya si Marcus Adoro? May sinabi ba mga kabanda niya tungkol dun? Ano na ba nangyari dyan? Cecelebrate ba natin yan?”
“Gets ko naman, ang sakit sa ulo lalo na kung mahal mo ang musika nila. Maganda siguro ma address muna ito ng eheads,” aniya pa.
Sabi naman ng isa pang netizen, “Stop being blinded just because we love them as a band. Marcus Adoro is CLEARLY an abuser who doesn’t deserve the limelight anymore.”
“Malala ang pinagdaanan ng anak nya under him just for us to sweep everything under the rug because he’s a member of a band we love,” ayon sa isa pang Twitter user.
Sa isang social media post, sinabi noon ni syd hartha, “Sa labing limang taon ng buhay kong wala siya upang gumanap na ama sa akin, sobrang dami kong tanong tungkol sa kanya at wala na akong ibang ginusto kundi makilala yung iba ko pang mga kadugo at siyempre, malaman ang pakiramdam na makasama siyang sinasabi nilang tunay kong ama.”
“Sa halos isang taong madalas ko siyang nakakausap at nakakasama, nabigyan na ng kasagutan lahat ng bitbit kong katanungan noon. Hinding hindi ko makakalimutan iba’t ibang klase ng abuso na dinanas ko sa kanya. Kaya pala ako nilalayo ng nanay ko at iba pang mga kamag-anak ko sa kanya. Kaya pala,” dagdag pa niya.
Samantala, nagpasalamat naman sina Barbara at syd hartha sa lahat ng sumuporta sa kanila at nagsalita patungkol kay Marcus.
“Thank you. THANK YOU. Thank you to every single person who chose not to turn a blind eye. Thank you for praying with us and for us.
“Thank you for making sure that we feel your massive support, whether we know each other personally or not. Justice belongs to The Lord,” ang tweet ni Barbara.
Sabi naman ni syd hartha, “Salamat sa mga di nakalimot.”
Bukas ang BANDERA sa pahayag ni Marcus hinggil sa isyung ito. Agad naming ilalabas ang magiging official statement ng musikero sa kontrobersyang ito.
Magaganap ang Eraserheads reunion concert sa December 22, 2022 sa SMDC Festival Grounds in Parañaque City.
Related Chika:
Sey ni Ely, Eraserheads reunion posibleng mangyari: Pag tumakbo si Leni…
#HulingElBimbo: Reunion concert ng Eraserheads tuloy na tuloy na sa Disyembre