KAHIT anong gawing depensa ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na walang halong pulitika ang kanyang naging aksyon laban kay Laguna Gov. ER Ejercito, hindi maiialis sa isip ng maraming tao, lalo na ng mga mamamayan ng Laguna na meron at meron nga itong kaugnayan sa politika.
Paano ba naman hindi sila mag-iisip, tila wala sa timing ang naging desisyon ni Brillantes na i-disqualify itong si Ejercito dahil daw sa overspending noong nakaraang May elections. Ilabas ba naman kasi ang desisyon, isang araw matapos mag-privilege speech ang pinsan nitong si Senador Jingoy Estrada hinggil sa ginagawang pag-atake ng administrasyon laban sa oposisyon, at ang pagbubunyag na may P50 milyon ipinamudmod sa bawat senador para lamang bumoto pabor sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona.
Hindi maipagkakaila na ginagamit ng gobyerno ang mga legal na paraan para habulin ang mga kalaban ng administrasyon.
Sa kaso ni Ejercito, hindi ba’t common knowledge naman na lahat naman ng pulitiko ay gumagastos ng sobra-sobra para manalo sa eleksyon? Iilan lang ba sa mga kandidato ang talagang sumusunod sa regulasyon hinggil sa paggastos sa eleksyon? Kung talagang seryosong ipinatutupad ng Comelec ang batas hinggil sa overspending ng mga kandidato, baka halos walang matirang pulitiko sa pwesto dahil sa paglabag nila sa batas.
Para masabing hindi pinipersonal ng Comelec si Ejercito, ginawa pang sacrificial lamb ang kaalyado ng gobyerno na si Antique Gov. Exequiel Javier sa pagsasabing nahaharap din siya sa kahalintulad na kaso. Sa kasaysayan ng Comelec, may nadiskwalipika na ba dahil sa overspending? Ang tanging opsyon ngayon ni Ejercito ay labanan ang desisyon ng poll body sa Korte Suprema.
GAANO katotoo na isa pang kilalang mataas na miyembro ng oposisyon ang nakatakda ring tanggalin sa pwesto? Usap-usapan ngayon na isang draft na ang pinapaikot para idiskwalipika ang naturang opisyal. Dati nang kinukuwestiyon ang legalidad ng pagtakbo ng opisyal matapos ang pagkakaconvict sa kasong kinaharap, bagamat nakatakbo na noong 2010 eleksyon ngunit natalo. Tiyak kong alam nyo na ang tinutukoy ko.
Ilang reklamo ang natatanggap ng Bandera, kabilang na rito ang ipinadala ng 22-anyos na si Jason ng Lucena City.
Kwento ni Jason sa TROPANG BANDERA, isa siyang empleyado sa Provincial Governor’s Office. Batay sa hinaing ni Tan, mahigit tatlong buwan na silang hindi pinapasahod ng lokal na pamahalaan. Ayon sa kanya, laging idinadahilan ng lokal na pamahalaan na walang pondo para ipasahod sa mga empleyado.
Pero ang ipingatataka raw niya at ng mga kapwa niya empleyado ay kung bakit may pondo ang lokal na pamahalaan kapag namamasyal ang mga opisyal nila. Dapat itong imbestigahan ng DILG at patawan ng kaukulang parusa ang mga opisyal ng Lucena na ginagamit ang limitadong pondo ng gobyerno para sa pansariling interes. Secretary Mar Roxas, hindi po sumusunod sa tuwid na daan ni PNoy ang ilang opisyal sa Lucena at Quezon.
Isa pang reklamo ang ipinarating naman ng isang residente ng barangay Pasong Putik, Novaliches, QC. Ayon sa ating mambabasa, talamak ang bentahan ng droga sa kanilang barangay. Aniya, harap-harapan ang bentahan ng shabu sa Maligaya street at sa covered court ng nasabing barangay. Ano naman kaya ang ginagawa ng mga opisyal ng barangay sa naturang lugar?
Oy, QCPD Director Senior Supt. Richard Albano, natutulog ka lang ba diyan sa pwesto mo? Baka kasi hindi mo nakikitang hindi nagtatrabaho ang mga tauhan mo diyan sa nasabing lugar. Galaw-galaw naman. Paki kalampag lang po.
Sa Bacolod City, inirereklamo ng isa pang mambabasa ang napakamahal na postal ID sa naturang lugar. Ayon sa reklamo, P465 ang sinisingil ng postal office sa kanilang lugar. Sobrang mahal naman ng postal ID na yan. Ano yan may gold engraving ba sa palibot ng ID at ganyan kamahal?
Ang tamang singil lamang ng postal ID ay P300. Alam kaya ito ng pamunuan ng Philippine Postal Corporation? Tinatawagan ang pansin ni PPC Chief Josie dela Cruz, baka hindi ninyo alam ang sobra-sobrang paniningil ng postal ID sa Bacolod City, paki-check lang po.
Editor: May nais ba kayong isumbong sa TROPANG BANDERA? O kaya ay may komento o reaksyon kayo? I-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.