John Arcilla tuloy pa rin ang pagsusuot ng face mask: Hindi kalayaan ang itaya ang sarili sa peligro

John Arcilla tuloy pa rin ang pagsusuot ng face mask: Hindi kalayaan ang itaya ang sarili sa peligro
NAG-REACT rin ang beteranong aktor na si John Arcilla patungkol sa balitang boluntaryong pagsusuot ng face masks.

Matapos ang pahayag ng kapwa aktor na si Romnick Sarmenta, nagbigay rin ng opinyon ang aktor sa kanyang Instagram account hinggil sa patuloy na pagsusuot ng mask kontra COVID-19.

“May regulasyon man o wala ay PIPILIIN KONG SIGURADUHIN na ligtas ang aking sarili sa VIRUS at ISAALANG-ALANG ANG KALUSUGAN ng iba lalo na sa MATATANDA at PAMILYANG uuwian ko,” saad ni John.

Dagdag pa niya, “ISUSUOT ko ang FACE MASK sa labas man o loob ng gusali maliban sa sarili kong tahanan PARA PANGALAGAAN ang lahat.”

Ani John, ayaw niyang mahirapan ang mga taong mahal niya maging ang kanyang sarili na bawian ng buhay o magkasakit sa hindi niya pagsusuot ng proteksyon laban sa nakahahawang sakit.

“Mas higit na ayaw kong MAGDUSA SA PAGKAKASAKIT o BAWIAN NG BUHAY ang mga mahal ko, maging ang aking sarili, kaysa MAGBAKASAKALI at hubarin ang face mask na PANANGGALANG ko sa kahit anumang uri ng virus o sakit na maaari kong masagap at maikalat sa mga tao na uuwi rin sa kani-kanilang PAMILYA,” sey pa ni John.

Giit pa niya, “Hindi KALAYAAN ang itaya ang sarili sa PELIGRO.”

Marami naman sa mga netizens ang sumang-ayon sa post ng ni John ukol sa patuloy na pagsusuot ng mask.

“I fully agree. Ito na lang ang pinakaproteksyon na nagagamit natin sa ngayon para sa ating sarili upang maproteksyunan natin ang ating mga mahal at kasama sa buhay. I will continue to wear my mask,” comment ng isang netizen.

Saad naman ng isa, “Agree mas mabuti na po talaga yung naka-facemask pag nasa public place kesa sa wala. Hindi mo kasi malalaman kung sino yung mga may dalang virus.”

Malalim ang hugot ni John sa kanyang post lalo na’t mismong siya ay nakaranas na mawalan ng mga mahal sa buhay dahil sa COVID-19.

Matatandaang inanunsyo na ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa Palace press briefing noong Lunes, Setyembre 12 ang patungkol sa EO No. 3, ang boluntaryong pagsusuot ng face masks.

“Naglabas po tayo today ng Executive Order No. 3 allowing voluntary wearing of face masks in outdoor settings and reiterating the continued implementation of minimum public health standards during the state of public health emergency relating to the Covid-19 pandemic,” saad niya.

Ayon rin sa EO No. 3, “Face masks shall continue to be worn in indoor private or public establishments, including public transportation by land, air, or sea, and in outdoor settings where physical distancing cannot be maintained.”

Related Chika:
Romnick Sarmenta umalma sa boluntaryong paggamit ng face mask

John Arcilla namatayan ng 10 mahal sa buhay sa loob ng 1 taon ngayong panahon ng pandemya

Andrea na-bad trip sa delivery rider, nagpumilit magpa-selfie nang walang mask: ‘Walkout ako, masama ba?’

Read more...