Bb. Pilipinas Grand International Roberta Tamondong may ‘masakit’ na lihim

Bb. Pilipinas Grand International Roberta Tamondong

Bb. Pilipinas Grand International Roberta Tamondong/ARMIN P. ADINA

 

ISANG matamis na ngiti ang ibinibinigay ni Roberta Tamondong tuwing lumalabas siya sa public events ng 2022 Binibining Pilipinas pageant.

Lingid sa kaalaman ng nakararami, may masakit na lihim na nagkukubli sa likod ng nagniningning niyang ngipin.

Ibinahagi sa Inquirer ng 19-taong-gulang na reyna mula San Pablo City sa Laguna na ilang linggo na siyang umiinom ng gamot para sa napakasakit na bagang na dapat na sanang operahan. Ngunit kinailangan niyang isantabi muna ang pagpapaopera dahil sa nakatakdang coronation night noong Hulyo 31.

At nang sumapit ang makasaysayang gabing iyon sa Smart Araneta Coliseum, nagantimpalaan ang pagtitiis niya ng korona bilang Bb. Pilipinas Grand International. Pansamantala niyang nakalimutan ang iniindang sakit nang pumangibabaw ang panandaliang ginhawa at mapuspos ng pasasalamat. Sapo ang kumikislap niyang korona sa isang kamay at tangan ang mga bulaklak sa kabila, nilasap ni Tamondong ang pagbubunyi ng madlang walang kamalay-malay sa kaniyang pinagdaraanan.

Sa taglay niyang panibagong national title, na sumasagisag din sa kanyang dedikasyon, napupuno si Tamondong na pasasalamat sa kanyang puso.

“I truly am grateful for the trust and faith of the Bb. Pilipinas Charities Inc. in me. And I am forever grateful with a captivating heart,” sinabi niya sa Inquirer sa isang panayam sa Owner’s Circle sa Araneta City sa Quezon City makaraan na niyang masungkit ang kaniyang korona sa coronation night nitong Hulyo.

Bb. Pilipinas Grand International Roberta Tamondong/ARMIN P. ADINA

“Ever since I stepped on the first day of our event in Binibini, I knew that it’s not just my authenticity but also my personality that makes me captivating,” dinagdag pa ni Tamondong.

Ngunit may isa pa siyang kinakaharap na hamon sa pagsabak niya sa Miss Grand International pageant. Wala pang Pilipinang nagwawagi sa Bangkok-based na patimpalak mula nang mag-umpisa ito noong 2013, at umaasa siyang siya ang magiging unang kinatawan ng Pilipinas na makatatanggap sa “golden crown.”

Isa nang beterana sa gulang na 19 taon si Tamondong, at naibigay na rin niya sa Pilipinas ang una nitong korona sa isang international pageant. Noong 2020, kahit pa binubuno ng buong mundo ang isang pandemyang bunga ng COVID-19, nagtagumpay siya sa Miss Eco Teen International pageant sa Egypt at naging unang Pilipinang reyna doon.

Umaasa si Tamondong na maipagpapatuloy ng maganda niyang nasimulan sa pagtulak niya sa Indonesia para sa ika-10 edisyon ng Miss Grand International pageant sa susunod na buwan.

Sa kasalukuyan, ang mga reyna ng Bb. Pilipinas na sina Nicole Cordoves at Samantha Bernardo ang nagkamit ng pinakamataas na puwesto ng bansa sa Miss Grand International pageant nang hirangin silang first runner-up noong 2016 at 2020.

Read more...