PATULOY ang pagsikat ni Michael Ver Comaling. Makaraang makasungkit ng gintong medalya sa 2019 Southeast Asian Games para sa modern pentathlon, naging “Pinoy Big Brother” housemate siya at lumabas sa ilang TV show ay tumanggap pa ng isang national title mula sa Mister International Philippines pageant.
Sa pagtatapos niya bilang second runner-up sa national pageant, iginawad din kay Comaling ang titulong Mister National Universe Philippines, na magbibigay sa kanya ng daan upang muling katawanin ang Pilipinas sa isang pandaigdigang paligsahan.
Ngunit dahil sa susunod na taon pa itatanghal ang Mister National Universe pageant sa Thailand, hindi lamang siya naghahanda para sa patimpalak, sumasabak na rin siya sa pag-arte.
“I have a movie with Nora Aunor, I portray the role of a boyfriend who is a pervert. And I also have a TV series with Ria Atayde titled ‘X-Factor’ where I also play the role of a boyfriend. I also have other upcoming movies with AQ Prime,” sinabi niya sa Inquirer sa isang “sashing ceremony” sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City noong Set. 8, kung saan opisyal na ginawaran ng Mister International Philippines (MIPH) organization ng national titles ang apat na runners-up at isang finalist.
Sinabi ni Comaling na makatutulong din sa paghahanda niya sa international pageant ang pagpasok niya sa show business sapagkat nakadadagdag sa kumpiyansa ang makuha para sa mga proyekto. “I can’t imagine, when I was maybe 17 or 16 years old, that I would be doing this right now,” aniya.
Ngunit kung nabigyan na niya ng karangalan ang Pilipinas sa larangan ng palakasan, ibang laro ang pagtuntong sa entablado ng pageant. “It’s more on intellectually and mentally, the competition when it comes to pageant. And physically, before it’s more on cardio. I’m trying to gain this time,” ani Comaling.
Sa kabila ng pagkakaiba ng mga paraan ng paghahanda niya, sinabi niyang isa ang hindi magbabago—ang focus niya sa pagsasanay.
Maliban sa kanya, apat na ginoo pa ang ginawaran ng mga titulo ng MIPH—sina first runner-up Mark Avendaño bilang Mister Global Philippines, third runner-up Kitt Cortez bilang Mister Tourism International Philippines, fourth runner-up Andre Cue bilang Caballero Universal Filipinas, at finalist John Ernest Tanting bilang Mister Beauté Internationale Philippines.
Si Mister International Philippines Myron Jude Ordillano ang unang sasalang mula sa “Team Philippines.” Sasabak siya sa ika-14 edisyon ng Bangkok-based na Mister International pageant, na itatanghal sa Pilipinas sa susunod na buwan.