SI Jenny Ramp ang nakasungkit sa korona bilang 2022 Miss Philippines Earth nang ibalik ng organizer na Carousel Productions ang pagdaraos ng pisikal na paligsahan makaraan ang dalawang magkasunod na virtual competitions dahil sa pandemyang bunga ng COVID-19.
Ngayon, siya ang kakatawan sa bansa sa Miss Earth competition na muli na ring magtatanghal nang live coronation night.
“I’m so excited. I do feel that there is a pressure since it’s the first time it will go face-to-face [after two years],” sinabi niya sa Inquirer sa pagbubukas ng The Pretty You Prime sa Mandaluyong City noong Set. 6.
Sinabi ng reynang American-Filipino mula Santa Ignacia, Tarlac, batid niyang malaki ang inaasahan ng madla para sa pagbabalik ng international pageant sa live stage, ngunit tiniyak sa publiko na “we’re gonna give them a good show.”
Sinabi ng Carousel Productions na katulad ng huli nitong pagdaraos sa Miss Philippines Earth pageant, magiging “hybrid” din ang Miss Earth contest ngayong taon, kung saan una munang magpapasiklaban sa virtual competitions ang mga kandidata, bago magtipun-tipon para sa face-to-face na yugto.
Subalit kung ang Top 20 lang ng national pageant ang pinasali sa pisikal na entablado, titipunin naman sa Pilipinas lahat ng mga delegada ng 2022 Miss Earth pageant.
Sisimulan ang online events sa Okt. 24, habang magsisimula sa Nob. 12 ang on-site preliminary activities. Nakatakdang itanghal ang coronation program sa Nob. 26.
“It’s such an honor to be a host candidate. That’s so exciting. I can’t wait to see all the other candidates and to learn about their culture,” ani Ramp.
Sinabi rin ng Psychology student na umaasa siyang maipakikita niya ang lahat ng maganda sa bansa sa pamamagitan niya. “I believe that we have so much beautiful, unique traits, and I hope I can embody it to [my fellow delegates],” pagpapatuloy niya.
“So whenever they think of the Philippines, they could think of me or this once-in-a-lifetime opportunity that they had to compete in the Philippines. And I hope that they see it as a memorable experience,” sinabi ni Ramp.
Sisikapin ni Ramp na maging ikalimang Pilipinang makasusungkit sa korona ng Miss Earth. Si Karen Ibasco ang huling nakagawa nito para sa bansa nang manalo siya noong 2017.