Ikaw na kaya ang tatanghaling kauna-unahang Mrs. Face of Tourism PH?

Ikaw na kaya ang tatanghaling kauna-unahang Mrs. Face of Tourism PH?

Image from Mrs. Face of Tourism Philippines Facebook page

TINATAWAGAN ang mga misis o nanay na mahilig bumiyahe at magsulong ng turismo na makibahagi sa unang edisyon ng Mrs. Face of Tourism Philippines pageant. Sa Sept. 9 na gagawin ang paunang screening.

Bukas ang patimpalak sa pagtanggap ng mga aplikante hanggang sa Pebrero 2023, ngunit kung makapapasa ka na sa isasagawang screening sa darating na Biyernes, makasasali ka na sa isang opisyal na paglabas ng mga kandidata, sinabi ng organizer na si Annie Refrea sa Inquirer sa isang online interview.

“Some of the earlier qualifiers will grace the opening of the ‘Travel Brands and Lifestyle Fair’ presented by Metro Creative Themes Inc. (MCT),” ibinahagi niya. Pageant partner ang National Association of Independent Travel Agencies (NAITAS) na isang co-presentor ng event na nakatakdang mangyari sa SMX Convention Center sa Pasay City sa Set. 16 hanggang 18.

Balak ng Mrs. Face of Tourism Philippines pageant na makapili ng 30 opisyal na kandidata, na ipakikilala sa Pebrero ng susunod na taon. Makikibahagi sila sa isang food crawl at “Famtour” kasama ang NAITAS, at sasali sa isang Santacruzan sa Mayo sa pakikipagtulungan ng ilang local government units.

Sa kalagitnaan ng susunod na taon nakatakdang itanghal ang coronation night kung saan tatlong reyna ang kokoronahan—Mrs. Face of Tourism Philippines, Mrs. Face of Culture and Heritage, at Mrs. Face of Ecotourism—at may subsidiary title pang Mrs. Face of Elegance.

Sinabi ni Refrea na, sa ngayon, nakatakdang lumaban sa mga international pageant ang dalawa sa mga reynang makokoronahan.

Maliban sa pagkakataong makasali sa isang international pageant, makatatanggap din ang mga magwawagi ng libreng biyahe sa loob at labas ng bansa, at mga regalo mula sa mga sponsor. Maaari rin siyang makasama sa mga opisyal na biyahe ng NAITAS sa loob at labas ng Pilipinas.

Para sa impormasyon kung paano makasali, tumawag sa 0977-2439677 o magpadala ng e-mail sa mrsfotphl@gmail.com.

Read more...