Pilipinas ka-join sa unang edisyon ng Miss, Mister Beauté International pageant sa Turkiye

John Ernest Tanting

John Ernest Tanting/MISTER INTERNATIONAL PHILIPPINES PHOTO

MANILA, Philippines—May bago na namang international pageant, at naghahanap ito ng isang hari at isang reyna.

 

Natural kasali ang Pilipinas, kung saan maraming mga masisigasig na tagasubaybay ng mga patimpalak at isa sa mga bansang may pinakamaraming international titleholders.

 

Nakuha ng Mister International Philippines (MIPH) organization ang lisensya para sa Miss and Mister Beauté International, ayon sa isang social media post ng president nito, ang abogadong si Manuel Deldio.

 

Ibinunyag din ni MIPH Director of Communications Norman Tinio na hinirang si 2022 Mister International Philippines Top 10 finalist John Ernest Tanting ng Cebu City bilang kinatawan ng bansa sa dibisyong panlalaki ng kambal na patimpalak sa Istanbul, Turkiye, sa Nob. 27.

 

“(Tanting) finished sixth during the finals of Mister International Philippines 2022 last June 27.  Aside from the Top 5, who were announced as MIPh and runners-up, he is already next in line as potential selection for a new franchise,” sinabi ni Tinio sa Inquirer sa isang online interview.

 

Dinagdag pa niyang naghahanap ang mga organizer sa Turkiye ng “pair of representatives who can team up to best represent a country in the competition.”

 

Wala pang napipiling kinatawan ng Pilipinas para sa dibisyong pambabae, ngunit sinabi ni Deldio sa social media na magpapatawag ng audition ang MIPH. Ibinahagi ni Tinio na ngayong buwan na ito isasagawa. Inaasahan ang paglapag ng pares mula sa Pilipinas sa Istanbul sa Nob. 22.

 

Samantala, kinumpirma naman ni Deldio na ito na ang huling lisensya para sa MIPH sa taong ito.

 

Maliban sa Mister International pageant, kung saan sasabak ang pangunahing nagwagi, hawak din ng MIPH ang lisensya para sa mga patimpalak na Mister Global, Mister National Universe, Mister Tourism International, Caballero Universal, at Mister Teen International.

 

Hinirang bilang 2022 Mister International Philippines si Myron Jude Ordillano noong Hunyo 27, kaya siya ang kakatawan sa Pilipinas sa ika-14 edisyon ng Bangkok-based na Mister International contest, na itatanghal sa Pilipinas sa susunod na buwan.

 

Batid na rin ng mga runner-up niya kung saan-saang patimpalak sila sasali. Isang opisyal ba paggawad ng mga titulo ang nakatakdang mangyari sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City sa Set. 8.

 

Maliban kay Tanting, dadalo rin sina first runner-up Mark Avendaño, second runner-up Michael Ver Comaling, third runner-up Kitt Cortez, at fourth runner-up Andre Cue upang pormal na maipakilala bilang mga kasapi ng “Team Philippines” na naatasang mag-uwi ng mga titulo mula sa iba’t ibang international pageants.

 

Sinabi ni Deldio na “this is just the start of our organization’s exciting journey,” at inanyayahan ang sambayanang Pilipino na samahan ang MIPH sa pagwawagayway sa watawat ng bansa.

 

Read more...