“GUSTO kong maidirek si AJ Raval sa isang suspense-thriller na pelikula!” Yan ang naging pahayag ng award-winning filmmaker na si Jeremiah Palma.
Sa mga hindi pa masyadong nakakakilala kay Direk Jeremiah, baguhan pa lamang siya sa industriya ng pelikula pero nanalo agad siya ng dalawang major award sa dalawang international film festival sa India.
Siya ang itinanghal na Best Director sa Roshani International Film Festival na pinangunahan ng Film Education and Welfare Foundation sa Aurangabad, India at sa Venus International Film Festival 2022 para sa horror movie niyang “Umbra”.
In fairness, natalo ni Jeremiah ang libo-libong direktor na nakalaban niya mula sa iba’t ibang bansa kaya naman hanggang ngayon ay parang nasa cloud 9 pa rin daw siya.
“Hindi naman namin inaasahan na magkakaroon ng ganitong awards ang ‘Umbra’ kasi low budget lang talaga siya, eh.
“Ang concept namin sa film na ‘to, ginawa namin siyang trilogy. Every part ng story, may end na siya. Pero yung third story, that’s the revelation of the whole thing. Dun nila malalaman na yung Part 1 and Part 2, nandu’n siya sa Part 3 ng story,” kuwento pa ng direktor tungkol sa “Umbra” na malapit na ring ipalabas sa mga sinehan.
Ito ang ikatlong taong isinasagawa ang festival, na nilahukan ni direk Palma na siyang director-in-charge sa Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas Inc. (KSMBPI) Film Division.
Si Palma ay kilala rin sa tawag na Direk Miah na nagsimulang magdirehe ng music video at short films noong 2020.
Ang kanyang film outfit, ang MAYA Film kasama ang KSMBPI Film Division ay nag-collaborate para sa produksiyon ng “Umbra”.
Ang dalawang international film awards na nakamit ni Palma ay malaking tulong upang lalong tumaas ang antas at kalidad ng pelikulang Filipino at magbubukas ng dagdag na oportunidad para sa industriya ng film industry.
Samantala, nakachikahan namin si Direk Jeremiah sa naganap na “Showbiz Kapihan” last Friday at natanong nga siya kung anu-ano na ang susunod na projects niya.
Aniya, may mga nakalinya na siyang gagawing pelikula ngayong taon bilang bahagi pa rin ng KSMBPI Film Division. At dito nga niya nabanggit na gusto niyang makatrabaho ang Vivamax sexy star na si AJ Raval.
May naisip na raw siyang tema at konsepto ng pelikula na siguradong babagay daw kay AJ. Isa raw itong suspense-thriller na may halong aksyon at sana raw ay magkaroon nga ito ng katuparan sa tamang panahon.
Pero aniya, hindi raw talaga niya kayang gumawa ng todohang sex film dahil gusto rin niyang protektahan ang kanyang pamilya at anak.
Ayon naman Dr. Michael Aragon, ang founding chairman ng KSMBPI, napakarami nilang pasabog para sa kanilang film division at talagang kakaririn daw nila ang pagpo-produce ng pelikula every month na pagbibidahan ng ilang kilalang celebrity at ng sarili nilang mga talents na dumaan talaga sa matitinding acting workshops.
Kasado na rin ang kanilang first reality show na mala-“Pinoy Big Brother” ang concept, ito ang “Socmed House” na mapapanood na sa darating na Miyerkules sa kanilang YouTube channel (KRTV) at official Facebook page kung saan 10 miyembro ng KSMBPI ang magtatagisan ng kakayahan sa iba’t ibang challenge.
Sa mga interesadong maging miyembro o malaman ang iba pang detalye tungkol sa KSMBPI, maaari kayong magpunta sa website na www.socmedbroadcasters.org.
https://bandera.inquirer.net/323052/lizquen-hiwalay-muna-ng-landas-sey-ng-abs-cbn-executive-for-some-reason-the-timing-was-never-right
https://bandera.inquirer.net/321954/maris-racal-gustong-ipag-produce-ng-pelikula-ni-ksmbpi-chairman-michael-aragon-magbibigay-din-ng-libreng-training-sa-vloggers
https://bandera.inquirer.net/321911/mungkahing-cable-car-ni-sen-robinhood-padilla-matagal-nang-aprub-ksmbpi-balak-i-merge-ang-traditional-media-at-vloggers
https://bandera.inquirer.net/294501/jeremiah-lisbo-sa-kabataan-dapat-alam-mo-ang-ipinaglalaban-mo-at-kung-kanino-ka-papanig