SINO nga ba ang hindi makaaalala sa seasoned singer na si Jose Mari Chan sa tuwing magsisimula na ang Ber months?
Sa totoo lang, wala pa mang Setyembre ay marami na sa mga netizens ang naghahanda ng memes ng mang-aawit bilang tanda ng nalalapit na ang pinakaaabangang selebrasyon ng mga Pinoy, ang Pasko.
At makalipas nga ng tatlong taon ay muling napanood si Jose Mari Chan sa telebisyon nang live matapos itong mag-guest sa morning show ng Kapuso network na “Unang Hirit”.
Matatandaang dahil sa nakahahawang sakit na COVID-19 kaya iniwasan muna ng mang-aawit na lumabas sa telebisyon kaya naman nagpasalamat ito sa programa dahil sa imbitasyon nito sa kanya.
“It’s been three years na I haven’t sang so thank you for inviting me so this is my first time to be on television,” saad ni Jose Mari.
Kuwento ni Arnold Clavio, napaiyak ang singer habang nire-rehearse ang kantang “Christmas in Our Hearts” para sa kanyang song number sa programa.
“Hindi alam ng lahat, kanina, habang nagre-rehearse siya, nagulat kami kasi naging emotional po si Tito Joe,” pambubuking ni Arnold kay Jose Mari.
Dagdag pa niya, “Talagang umiyak [siya]. Nagulat din kami kaya binago ko po yung kuwentuhan.”
Natanong naman si Jose Mari kung ano ang dahilan kung bakit siya naging emosyonal habang nagre-rehearse.
“When I was singing the song, parang bigla kong na-feel yung original feeling ko when I composed that song [in 1990],” pag-amin niya.
“And after thirty-two years, that song continues to be relevant to the young and old people alike so nakaka-touch,” dagdag pa ni Jose Mari.
Tinaguriang “Mr. Christmas” at “King of Filipino Carols” ang mang-aawit kaya nga sa tuwing nalalapit na ang Ber months ay makikita na ang kanyang mukha sa social media at ito na rin ang simula ng pagtugtog ng kanyang Christmas songs.
Related Chika:
Jose Mari Chan ‘lumantad’ na sa pagsisimula ng Christmas season; may hiling kay Mariah Carey
Jose Mari Chan may tips para sa mas epektib na pagreregalo sa Pasko