Cristy Fermin umaming nagkaroon ng cancer scare: Alam n’yo po, wala pong taong matapang pagdating sa operasyon

Cristy Fermin tagumpay ang operasyon sa lalamunan

Cristy Fermin

“MARAMING salamat sa Diyos! Sobrang maraming salamat sa Diyos.”

Ito ang paulit-ulit na nasambit ng veteran host at entertainment columnist na si Nanay Cristy Fermin sa pagbabalik niya sa kanyang radio at online show na “Cristy FerMinute”.

Halos two weeks ding hindi napakinggan at napanood si Nanay Cristy sa kanyang programa dahil
sumailalim siya sa polyp throat surgery sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City noong August 15.

Kahapon, August 29, nag-report na uli siya sa “Cristy FerMinute” matapos ang kanyang matagumpay na operasyon, “Napakamahal po ako ng Diyos.

“Medyo mababa lang po ang aking boses at medyo hindi kailangan na todo-todo ang pagitan ng mga salita dahil ‘ika nga, e, hindi pa po ganoon katindi ang ayos ng ating sitwasyon.

“Pero maraming salamat sa Diyos. Sobrang maraming salamat sa Diyos,” aniya pa.

Pag-amin naman ni Nanay Cristy, “Alam niyo po, wala pong taong matapang pagdating sa operasyon. Hindi po local anaesthesia ang ginagamit sa ganitong operasyon sa polyp throat operation. General anaesthesia po ito.

“Wala po tayong kalaban-laban oras po na tayo ay in-injection-an na. Kahit po pinakamatapang na emperor, pinakamapangyarihan, sabi ko nga, ipinanganak po siya na walang damit na tulad natin kaya wala pong matapang na tao na sasalang sa operating table. Wala! Wala talaga!” dugtong pa ng premyadong kolumnista.

Inamin din niya na totoong nagkaroon siya ng “cancer scare” kaya naman todo at taimtim ang ginawa niyang pagdarasal na sana’y benign o hindi cancerous ang polyp na inalis ng doktor mula sa kanyang lalamunan.

“’Humiga na po kayo sa operating table, nakuha na po yung polyp sa inyong lalamunan. Ibinalik na po kayo sa kuwarto.’ Ang pinakamatindi na babagabag sa isip ng isang pasyente, yung biopsy.

“Napakahalaga po ng biopsy. Du’n po malalaman kung ang nakuha sa inyo na polyp ay benign o meron pong kaakibat na cancer cells.

“Kapag meron pong cancer cells na positibo, du’n na yung payo na magpapa-PET (Positron Emission Tomography) scan ka. Kapag meron kang kanser sa isang bahagi, natural lamang na marami nang kalat sa buong katawan.

“Napakamahal po ako ng Diyos. Napakamahal po ako ng Diyos. Answered prayer po ako. Talagang noon ko pa po ipinapanalangin yung biopsy. Answered prayer po ako. Maraming-maraming salamat,” ang pahayag pa ni Nanay Cristy.

Special mention pa niya sa kanyang pagpapasalamat ang talent manager na si Dolor Guevarra. Ang pamangkin kasi nito na si Dr. Maita Feliciano ang nag-opera sa kanya.

“God is good all the time. Napakasarap po sa pakiramdam. Yung pagpapagaling ko, dapat po ‘yan ay matagalan lalo na kung mahina ang kalooban ng pasyente, pero ang dagdag po na lakas ng loob ko ay nagmumula sa inyo.

“Yun po talaga ang nagpadali ng aking pagpapagaling, galing sa iba-ibang bansa. Galing sa Pilipinas, mga kaibigan, mga kapamilya, mga kasamahan sa trabaho, kayo po ang nagpadali ng gamutan ko at ng pagpapagaling ko. Salamat po sa inyong lahat,” sabi pa ni Nanay Cristy.

Pagbabahagi pa ng beteranang TV at radio host tungkol sa mga payo sa kanya ng doktor, “Meron akong white board na may pen. Meron din ako sarili ko na ipinabili para sa mga personal kong gustong sabihin.

“Kunwari, tubig pahingi o kaya nagugutom na ako. Isusulat ko na lamang po yun. Napakahirap po. Ibang magbiro ang kapalaran. Isipin mo, puhunan ko boses, du’n ako nagkaroon ng paghamon.

“Parang atleta po ako na pinutulan ng isang paa. Parang ganoon po ang nangyari sa akin. Pero talagang laging may Diyos na gumagabay sa atin kapag sinsero po ang ating pagtawag.

“Kapag talaga pong nagsisikhay tayo at nagpupunyagi para sa ating kaligtasan, wala pong hindi pinakikinggan ang Diyos,” kuwento pa ni Nanay Cristy.

https://bandera.inquirer.net/286265/vice-nagpasalamat-sa-diyos-sa-pagdating-ni-ion-ang-bait-mo-binigyan-mo-ako-ng-ganito

https://bandera.inquirer.net/313772/brenda-mage-sa-pagbabalik-pbb-gusto-kong-ipakita-na-hindi-ko-lang-kayang-magpakatotoo-kundi-kaya-ko-ring-magpakatao

https://bandera.inquirer.net/294581/maymay-nakiusap-na-wag-na-silang-intrigahin-ni-donny-wala-pong-namamagitan-sa-aming-dalawa
https://bandera.inquirer.net/303128/4-na-bida-ng-prima-donnas-keribels-nang-magka-loveteam-pero-handa-na-bang-magka-boyfriend

Read more...