LAPIS lang o alcohol ang kailangan para mapanood ang final callback para sa mga aplikante ng Misters of Filipinas pageant sa Winford Manila Resort and Casino sa Agosto 28.
Inihayag ng organizer ng patimpalak na Prime Event Production Philippines (PEPPS) Foundation Inc. na binubuksan nila ang final callback sa mga nagnanais na mapanood ito. At 80 ang mapalad na makakapanood ng inaabangang pagtitipon ng mga aplikanteng pagpipilian ng mga magiging opisyal na kalahok para sa pambansang patimpalak.
Upang mapabilang sa mga tagasubaybay na maaaring magantimpalaan ng pagkakataong mapanood nang live ang final callback, inaanyayahan ang lahat na magparehistro sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa opisyal na Facebook page ng Misters of Filipinas. And unang 80 rehistradong indibidwal na magdadala ng P200 halaga ng school supplies o hygiene kit ang papapasukin sa loob.
Ipamimigay ang mga donasyon sa mga paaralang katuwang ng kampanyang “Back to School Safely” ng Misters of Filipinas pageant.
“After three years, this is our very first face-to-face final callback. Misters of Filipinas is very excited for this event. We learned to adapt with the ‘new normal’ and we are proud that despite the pandemic last year, we were able to mount a very successful national finals. And we are very positive that this year will be bigger,” sinabi ni PEPPS President Carlo Morris Galang sa Inquirer sa isang online interview.
Sumailalim na sa virtual interview ang mga aplikante. Ang mga makakapasa sa unang yugto ang aanyayahang makibahagi sa final callback kung saan magiging higit na masusi ang pagkilatis sa kanila.
Magkakaroon ng 35 hanggang 40 kalahok ang 2022 Misters of Filipinas pageant, kasama na ang mga nagwagi sa ilang regional search, at patipalak na isinagawa sa iba’t ibang overseas Filipino communities.
Sinabi ni Galang na “the new breed of ‘Misters’ must be committed, passionate, has the ability to inspire, and of course, adaptable.”
Tumanggi siyang magbahagi ng karagdagang mga detalye tungkol sa final competition, ngunit sinabing magiging “more modern and entertaining” ang daloy ng produksyon.
Pinipili sa Misters of Filipinas pageant ang mga kinatawan sa ilang international male competitions, kabilang ang Man of the World contest na tinatag sa Pilipinas.
Kabilang sa mga naging hari ng Misters of Filipinas ang “guwapulis” na si Neil Perez na siyang unang Pilipinong hinirang bilang Mister International nang magwagi siya noong 2014, 2016 Man of the Year Karan Singdole, 2018 Mister Model Worldwide Carlo Pasion, 2019 Mister Tourism and Culture Universe Yves Campos, reigning Runway Model Universe Junichi Yabushita, at “It’s Showtime” mainstay na si Ion Perez na kinoronahan bilang Mister Universe Tourism noong 2018.